BBM

PBBM suportado ladderized program para sa nursing

186 Views

SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala na magpatupad ng ladderized program sa nursing upang mapalakas ang sektor ng kalusugan ng bansa.

Nabanggit ang panukalang ladderized program sa pakikipagpulong ni Marcos sa mga miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Malacañang noong Huwebes.

Sinabi ni Marcos na nananatiling hamon ang pagpapanatili sa mga nurse sa bansa.

“I like the ladderized idea for the nurses because that’s really becoming a problem – the brain drain that we are suffering,” sabi ni Marcos.

Ayon kay Marcos magagaling ang mga Filipino nurse kaya kinukuha ang mga ito sa ibang bansa na maaari namang maging problema sa Pilipinas.

Sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang ladderized program ay ginagawa ng University of the Philippines-Manila at ilang lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng programa, ang UP Manila ay nagbibigay ng dalawang taong scholarship para sa midwifery. Kapag natapos ang programa ay babalik sa komunidad ang mga scholar upang magserbisyo.

Kapag nagkaroon na ang karanasan ay babalik sa UP Manila ang mga ito upang muling mag-aral ng dalawang taon at magtapos ng nursing.

“So this ladderized program, there is this counterpart with local government. So we now have a couple of local governments that we have piloted this with. But of course, this would be – eventually para makapag-produce tayo nang madami,” sabi ni Vergeire.

Nagbibigay naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng scholarship para sa nursing aide na makatutulong upang mapalakas ang healthcare sector ng bansa.

Matapos ang anim na buwang nursing aide course ay maaari ng makapasok sa ospital ang mga scholar.