BBM1

PBBM suportado pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mayayaman

389 Views

SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala na patawan ng mas mataas na buwis ang mga bagay na ang mga mayayaman lamang ang nakakabili.

Sa panayam matapos ang 2023 National Tax Campaign Kickoff program ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Pasay City, sinabi ni Marcos na makatwiran lamang na taasan ang buwis sa mga bagay na maituturing na luho at ang mga mayayaman lamang ang nakabibili.

“For the rest of us, who are not necessarily consumers of luxury goods ay ramdam natin kapag bumagsak ang ekonomiya, ngunit kung titingnan ninyo, ‘yung mga luxury items, ‘yung mga magagarang kotse, ‘yung mga designer na damit at saka mga bag, hindi nagbabago ang presyo niyan dahil may kaya ang mga bumibili,” ani Pangulong Marcos.

“So palagay ko naman, it’s reasonable that we will tax the consumption side of those who are consuming luxury items,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ni Marcos na suportado nito ang House Bill 6993 na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda na nagtataas sa buwis ng mga luxury item mula 20% sa 25%. Makalilikom umano ang gobyerno mula rito ng P15.5 bilyon kada taon.

Kasama sa papatawan ng mas mataas na buwis ang mga luxury watches, luxury cars, private jet, mga residential property na mahigit P100 milyon ang presyo, mga inumin na ang halaga ay lagpas sa P20,000 at leather item na ang presyo ay mahigit P50,000.