BBM1

PBBM tiniyak nakokolektang buwis gagamitin sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino

253 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagamitin ang mga nakokolektang buwis ng gobyerno para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kung lalaki ang koleksyon sa buwis ay mas darami ang proyekto na magagawa ng gobyerno na pakikinabangan ng mga Pilipino.

Ayon sa Pangulo malaki ang magagawa ng isinusulong nitong digitalization upang mapaigting ang pangongolekta ng buwis.

“Kasama na diyan ‘yung mga bagong sistema, kasama na diyan ‘yung digitalization na ginagawa at ang mas masigasig na paghabol sa mga businesses at para matiyak naman na ‘yung buwis na kailangan bayaran ay nababayaran lahat,” sabi ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na makakaasa ang publiko na ang nakokolektang buwis ng gobyerno ay gagamitin para sa ikabubuti ng bansa.

“Kami naman sa panig– sa Executive ay sinasabi namin asahan naman ninyo na kung ano man ang makolekta galing sa taong-bayan, galing sa mga negosyo ay asahan naman ninyo ito’y talagang mapupunta para sa ikabubuti ng ating ekonomiya, para sa pagpaganda ng buhay ng ating mga kababayan,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.