Calendar
PCAP crown nasungkit ng Pasig
HINDI na napigil pa ang Pasig Pirates para maiuwi ang korona ng 2022 PCAP Third (Open) Conference.
Sa pangunguna nina GMs Oliver Barbosa at Mark Paragua, pinayuko ng Pasig ang Negros Kingsmen, 2-1, sa naging kapanapanabik na Armageddon upang masungkit ang kampeonato sa prestihiyosong kumpetisyon na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx.
Bukod dito, ang Pasig ang naging second team sa PCAP na nanalo ng back-to-back championships katulad ng San Juan Predators.
Nasungkit ng Pirates nina Pasig Mayor Vico Sotto at coach Franco Camillo ang kampeonato matapos manalo sa dalawa sa didikang three-game playoffs laban sa hard-fighting Kingsmen.
Itinumba ni Barbosa si FM David Elorta sa board two, habang pinayuko ni Paragua sa FM Elan Asuela sa board three para matiyak ang panalo ng Pasig.
Tanging si IM Joel Pimentel anh nakalusot para sa Negros matapos igupo si IM Eric Labog, Jr. sa board one.
Bago ang three-game playoffs, naghati sa panalo ang Negros at Pasig, na kung saan wagi ang Kingsmen ni United States-based NM Tony Aguirre sa first set, 11-10, habang bumawi ang Pirates sa second set sa parehong dikit na score, 11-10.
Naungusan ni WIM Bernadette Galas si WIM Sherily Cua, 2-1, sa female board habang winalis ni Pimentel sina Jerome Villanueva at Kevin Arquero, 3-0, sa board five para sa 11-10.panalo ng Negros.
Nakabawi naman ang Pasig sa second set sa panalo nina Barbosa laban kay Elorta, 2-1; Cua laban kay Galas, 2-1; at IM Cris Ramayrat laban kay NM Edmundo Gatus, 2-1.
Dahil dito, nagkaroon ng makapigil- hiningang three-game playoffs para mai-proklama ang kampeon.
Sa battle for third place, naisahan ng Davao Eagles ang two-time champion San Juan Predators, 11-10.
Nanguna sa Davao sina Dale Bernardo, na gumulat kay IM Jan Emmanuel Garcia, 2-1; FM Austin Jacob Literatus, na wagi kay Narciso Gumila, 2-1; at NM Jonathan Tan, na lusot kina FM Narquingden Reyes at Narquingel Reyes, 2.5-.5.
Para sa San Juan, namayani s8na IM Paulo Bersamina laban kay FM Sander Severino, 3-0, at WIM Jan Jodilyn Fronda laban kay WNM Rowelyn Joy Acedo, 2-1.
Ang PCAP, ang una at nag-iisang professional chess league sa bansa, ay pinamumunuan nina President- Commissioner Atty. Paul Elauria at Chairman Michael Angelo Chua.
Sinusuportahan naman ito ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa pamamahala ni Chairman-President Prospero “Butch” Pichay.