PCO

PCO ipinatupad hybrid na sistema sa trabaho

115 Views

IPINATUPAD ng Presidential Communications Office (PCO) ang isang hybrid work arrangement na kinabibilangan ng apat na araw na onsite workweek at isang araw na work-from-home (WFH) bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Sa isang memorandum na may petsang Marso 8 at nilagdaan ni PCO Acting Secretary Dave M. Gomez noong Marso 8, sinabi ng tanggapan na lahat ng kawani ay magre-report onsite mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang Biyernes ay itinalagang karaniwang araw para sa WFH, maliban sa mga output-based Contract of Service (COS) personnel.

Ang kaayusang ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114, na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang sa energy conservation at efficiency upang mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina.

Sa ilalim ng mga alituntunin, maaaring sumunod ang mga kawani sa shifting schedules mula 7:00 a.m. hanggang 6:30 p.m., basta’t makumpleto ang kinakailangang 40 oras ng trabaho kada linggo.

Inaatasan ang mga cluster head at supervisor na magsumite ng kanilang buwanang work program na magsisilbing gabay sa mga gawain at output ng kanilang mga tauhan sa mga araw ng WFH.

Ang attendance at productivity ng mga empleyado ay imo-monitor sa pamamagitan ng digital attendance system na pinangangasiwaan ng Information and Communications Technology Division (ICTD).

Nakasaad din sa memorandum ang ilang hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa New Executive Building, kabilang ang regulasyon sa paggamit ng ilaw at air-conditioning, pagtatakda ng thermostat sa 24°C, at paglalagay ng mga office equipment sa energy-saving mode kapag hindi ginagamit.

Pansamantala lamang ang hybrid work arrangement at mananatiling ipatutupad habang umiiral ang direktiba ng Pangulo ukol sa energy conservation.