Castro

PCO maglulunsad ng website vs fake news

258 Views

FakeFake

MAGLULUNSAD ng online platform ang Presidential Communications Office upang gawing mas madali para sa publiko ang pagre-report ng fake news sa social media at iba pang digital platforms.

Ayon kay Claire Castro, hindi palalampasin ng gobyerno ang pagkalat ng maling impormasyon at agad itong sasampahan ng kaukulang kaso.

“Gagawa ang PCO ng isang website o isang platform kung saan niyo isusumbong lahat ng fake news na nagkakalat at ‘yan ay hindi namin tutulugan at lahat ‘yan ay dapat sampahan ng kaso,” ani Castro.

Nauna nang inilunsad ng PCO ang “Oplan Kontra Fake News” kung saan itinatag ang Anti-Fake News Desk para tumanggap at magsuri ng mga ulat ng maling impormasyon.

Sa naturang hakbang, siyam na malalaking media organizations ang lumagda sa isang kasunduan kasama ang PCO upang paigtingin ang laban kontra disinformation, kabilang ang mga pangunahing pahayagan sa bansa.

Samantala, sinabi ni Dave Gomez na layon ng inisyatiba na palakasin ang pagpapakalat ng beripikadong impormasyon at muling buuin ang tiwala ng publiko.

Kaugnay nito, ini-refer na rin ng PCO sa Department of Justice ang hindi bababa sa tatlong kaso ng umano’y fake news hinggil sa sitwasyon ng enerhiya sa bansa para sa imbestigasyon.

Binalaan din ng PCO ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na yaong may kinalaman sa First Family, na maaari silang managot sa ilalim ng batas.

SOURCE: https://pco.gov.ph/news_releases/pco-to-launch-website-for-reporting-of-fake-news/