Calendar
PDEA Director General Isagani Nerez
PDEA INIUGNAY ‘DUTERTE ALLY’ SA DROGA MULA LAOS
ITINURO ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes ang isang dating mambabatas at umano’y kaalyado sa politika ng pamilya Duterte bilang isa sa mga pinaghihinalaang utak sa tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon mula Laos patungong Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng ahensiya na kailangan pa ng mga imbestigador ng mahahalagang dokumento bago makapagsampa ng mga kaso.
Sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez sa House Committee on Dangerous Drugs na ang mga ebidensiyang nakalap ng mga imbestigador ay nagtuturo sa nasabing dating mambabaatas bilang higit pa sa umano’y tagapondo ng operasyon.
“Hindi lamang bilang tagapondo, kundi isa sa mga pangunahing sangkot, ang utak sa operasyon,” ani Nerez, na binanggit ang mga sinumpaang salaysay na nakuha ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG).
Ang komite ng Kamara, na pinamumunuan ni Rep. Mark Anthony G. Santos, ay nangangalap ng impormasyon mula sa mga ahensiya ng pagpapatupad ng batas, paniktik at seguridad sa mga hangganan bilang paghahanda sa nakaplanong imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa mga nakumpiskang droga sa Laos at Thailand at sa posibleng mga koneksiyon ng mga ito sa Pilipinas.
Susuriin din sa imbestigasyon ang mga paraan upang palakasin ang seguridad sa mga hangganan at ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa pandaigdigang kalakalan ng ilegal na droga.
Inihayag ni Nerez ang impormasyong ito matapos itanong ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima kung lumitaw na ang nasabing indibiduwal bilang pangunahing person of interest sa imbestigasyon.
Tinanong din ni De Lima kung nakakuha na ang mga imbestigador ng sinumpaang salaysay mula dito o kung nakapanayam na nila ito.
“Hindi pa, ma’am. Kinukuha pa namin ang mga sinumpaang salaysay ng iba bago namin siya puntahan,” sagot ni Nerez.
Itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang dating mambabatas bilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament noong 2019. Kumandidato rin siya sa ilalim ng PDP-Laban, ang partidong pampulitika na iniuugnay sa pamilya Duterte, sa halalan para sa Bangsamoro Parliament noong 2026, ngunit natalo.
Nauna nang kinilala ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang matagal nang ugnayang pampulitika ng ex-mambabatas sa pamilya Duterte, ngunit iginiit niyang walang nakitang ebidensiya ang mga imbestigador na nag-uugnay sa pamilya sa naturang kargamento ng droga.
Sinabi ni Nerez na nakakalap na ang mga imbestigador ng mga ebidensiyang nagtuturo sa pagkakasangkot ng ex-mambabatas at ang umano’y tatanggap ng kargamento sa Maynila.
Gayunman, sinabi niyang kailangan pa ng mga awtoridad ang mga rekord ng transaksiyon na may kaugnayan sa isang pulis, dating piloto ng eroplano ng isang airline, at sa kumpanyang nagkaloob ng chartered aircraft.
Sinabi rin niyang kailangang tukuyin ng mga imbestigador ang mga taong isasama sa mga aplikasyon para sa cyber warrant at makakuha ng mga opisyal na rekord ng imbestigasyon mula sa Laos.
Kailangang ipadala ang mga rekord sa pamamagitan ng mga opisyal na daluyan ng pamahalaan upang magamit ang mga ito bilang ebidensiya sa mga korte sa Pilipinas.
Malugod na tinanggap ni Nerez ang alok ng Department of Justice na tumulong sa pagkuha ng mga rekord sa pamamagitan ng Office of the State Counsel.
Tinanong din ni De Lima kung magkapareho ang mga person of interest na natukoy ng PDEA at PNP-CIDG.
Kinumpirma ni Nerez na nag-uugnayan ang dalawang ahensiya at nagpapanatili ng iisang listahan.
“Sa simula pa lamang ng kasong ito, palagi kaming nakikipag-ugnayan sa PNP-CIDG, at lahat ng nasa listahan ng CIDG ay kasama rin sa aming listahan,” aniya.
Nakapagpadala na ang PNP-CIDG ng imbitasyon sa hindi bababa sa 21 indibidwal upang magbigay ng kanilang mga salaysay bilang bahagi ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ni De Lima na wala pang naaresto o nasampahan ng kaso sa Pilipinas sa mga person of interest na nakabase sa bansa kaugnay ng kargamento ng droga mula Laos.
Nag-ugat ang kaso sa pagkakasamsam noong Oktubre 1 ng 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.5 bilyon sa Luang Prabang International Airport sa Laos.
Ayon sa mga ulat, nakatakdang dalhin ang mga droga sa Maynila sakay ng isang nirentahang pribadong jet.
