PDEA Ang mga persons deprived of liberty na sina Mark Taguba at Jimmy Guban sa pagdinig ng House Quad Committee sa People’s Center sa House of Representatives umaga ng Miyerkules. Kuha ni VER NOVENO

PDEA isiniwalat malalim na ugnayan ng POGOs, drug syndicates sa Quad Comm probe

59 Views

INILANTAD ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang masalimuot at nakakabahalang network ng kriminalidad na nag-uugnay sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa drug syndicates at corporate fraud sa isang presentasyon sa House quad committee nitong Miyerkules.

Ipinakita ni PDEA Deputy Director General Renato Gumban ang isang matrix na nagpapakita kung paano sinasamantala ng transnational syndicates ang mga butas sa batas at corporate structures para maisagawa ang drug trafficking, money laundering at kaduda-dudang bentahan ng lupa na kinasasangkutan ng mga dayuhan.

Binalikan ni Gumban ang pinagmulan ng imbestigasyon na nag-ugat sa isang joint operation noong Setyembre 24, 2023. Sa operasyong ito, nasabat ang 560 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon sa Mexico, Pampanga.

Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Natuklasan ang droga sa isang warehouse na pagmamay-ari ni Willie Ong, na kilala rin bilang Cai Qimeng.

Si Ong, isang incorporator ng Empire 999 Realty Inc., ay nakabili ng lupa para sa warehouse sa umano’y tulong ni dating Mexico Mayor Teddy Tumang.

Sa karagdagang imbestigasyon, lumitaw na si Ong at ang Empire 999 Realty ay bahagi ng mas malawak na network ng magkakaugnay na kompanya na sangkot sa iligal na gawain.

Kabilang dito ang Golden Sun 999 Realty and Development Corporation at Yatai Industrial Park Inc., na parehong konektado kina Ong at Aedy T. Yang, isa pang incorporator.

Ang Golden Sun 999 ay konektado rin kay Rose Nono Lin, isang negosyanteng naugnay sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Noong COVID-19 pandemic, nakakuha ang Pharmally ng P11 bilyong kontrata mula sa gobyerno sa kabila ng deklaradong kapital na P625,000 lamang.

Ang corporate ties ni Lin ay umaabot kay Michael Yang, dating adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, at sa asawa niyang si Allan Lim, na kilala rin bilang Lin Weixiong.

Si Lim, na umano’y gumagamit ng iba’t ibang pangalan at passport, ay nasangkot sa operasyon ng droga at mga casino junket scheme.

Pinasok din siya sa isang drug matrix noong 2017 ni dating police Col. Eduardo Acierto, na nag-uugnay sa kanya sa mga clandestine drug laboratories sa Luzon at Mindanao.

Si Michael Yang ay iniugnay din sa umano’y logistics at financial operations para sa drug syndicates.

Itinampok din ng PDEA ang direktang ugnayan ng POGOs at criminal syndicates. Binigyang-diin ang Hongsheng Gaming Technology Inc., isang POGO operator sa Bamban, Tarlac, bilang pangunahing manlalaro.

Pinondohan ng bilyong piso mula sa kahina-hinalang mga source, kabilang si Hong Jiang Yang, kapatid ni Michael Yang, ang kompanyang ito na sinalakay noong Marso 2024. Nagdulot ito ng karagdagang imbestigasyon sa kanilang financial dealings.

Ang Hongsheng Gaming ay nag-lease ng pasilidad mula sa Baufu Land Development Inc., na pagmamay-ari ni dating Bamban Mayor Alice Guo.

Sa financial investigations ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), natuklasan na si Guo ay nagpalusot ng iligal na pondo sa pamamagitan ng mga entity tulad ng QJJ Farm at RMCE Metal Products Trading Company, na dating konektado sa money laundering ng Chinese drug lord na si Peter Co, na kilala rin bilang Wu Tuan Yuan.

Kahit nakakulong sa Sablayan Penal Farm, ang mga account ni Co ay aktibong ginagamit sa laundering operations na kinasasangkutan nina Concepcion at Ronnie Chua, na konektado sa mga POGO-related entities at iba pang corporate personalities na iniimbestigahan.

Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang mga rebelasyon ay parehong nakakagulat at nakakabahala.

“The volume of corporate layering along with the corporate personalities are truly overwhelming, Mr. Chair,” ani Luistro, na binibigyang-diin ang kumplikasyon ng mga scheme na nag-uugnay sa POGOs, drug syndicates at mga kaduda-dudang transaksyon sa lupa.