PDEA

PDEA: Pagdawit sa mag-utol na Barbers sa ilegal na droga fake news

42 Views

KAMAKAILAN ay kumalat sa social media na idinadawit ang pangalan nina Surigao 2nd District Rep. Ace Barbers at ang kapatid niyang si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers sa nahuling droga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lalawigan ng Surigao.

Mabilis na nagpalabas ng pahayag ang PDEA kung saan mariin nitong pinabulaanan at tinawag na “fake news” ang pagdawit sa pangalan ng mga Barbers.

Sa inilabas na pahayag ng PDEA Caraga sa FB account nito noong Nobyembre 15, binatikos ng ahensiya ang bintang laban sa magkapatid na wala naman umanong batayan.

Nag-ugat ang akusasyon matapos ang matagumpay na joint anti-drug operation ng PDEA at Surigao del Norte Provincial Police Office sa Surigao City kung saan tatlong drug personalities ang naaresto.

Kasunod nito, isang abandonadong sport utility vehicle naman ang naharang ng mga awtoridad sa Port of Liloan, Southern Leyte, nitong Nobyembre 8 lulan ng isang roll-on roll-off (RORO) mula sa Surigao City na naglalaman ng 57 kilo ng shabu na nagkakahalagang higit P388 milyon, anang PDEA.

Matapos ang magkasunod na insidente, kumalat sa social media ang mga akusasyon laban sa magkapatid na Barbers, kung saan sinasabing pag-aari nila ang abandonadong sasakyan.

Batay naman sa manipesto ng barko, isang Benzar Mamalinta ang natukoy na may dala ng sasakyan at inabandona ito pagdaong sa Liloan Port.

Paglilinaw pa ng PDEA, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang mga naarestong suspek sa Surigao City at iba pang mga nakalap na impormasyon ang magpapapatunay na walang kinalaman ang magkapatid na Barbers sa illegal drug trade.

“PDEA RO XIII strongly condemns these baseless accusations, affirming that there is no factual basis linking the Barbers to the activities of these individuals,” anang PDEA.

Sa maikling pahayag, pinasalamatan ni Rep. Barbers ang ginawang paglilinaw ng PDEA sa isyu.

Aniya pa, bilang overall chairman ng quad committee ng Kamara de Representantes na humihimay sa madugong drug war ng nakaraang administrasyon at chairman ng House committee on dangerous drugs, malinaw ang kanyang rekord at ng kanyang pamilya sa paglaban sa ilegal na droga.

Pinayuhan din ni Barbers ang kanyang mga kababayan sa Surigao na huwag basta maniwala sa mga tsismis at haka-haka partikular at papalapit na ang 2025 elections.