Calendar
Pelikula tungkol sa buhay ni April Boy 5 taon ginawa
Five years in the making pala ang bioflick ni April Boy Regino na “Idol: The April Boy Regino Story” na pinagbibidahan ni John Arcenas.
Ito ay produced ni Marynette Gamboa ng Water Plus Productions at idinirehe naman ng veteran actor na si Efren Reyes Jr.
Ayon kay Direk Efren, nagsimula niyang isulat ang buhay ni April Boy matapos niya itong makilala at makasama sa isang out of town event noong 2019.
“Sa hotel, nagkakuwentuhan kami at naikuwento nga niya sa akin ‘yung buhay niya, ‘yung pinagdaanan niyang cancer, heart failure, tapos, nabulag. Lahat ‘yun, pinagdaanan niya. Tatlong dagok sa buhay and yet, nagpe-perform pa rin siya,” kwento ni Efren nang makapanayam namin sa katatapos na premiere night ng pelikula.
Magsu-shooting na sana sila noong 2020, pero biglang nagka-pandemic at kasabay pa nito ay pumanaw na si April Boy noong Nobyembre 29 ng nasabing taon dahil sa cancer at iba pang kumplikasyon.
Dahil sa pagkawala ni April Boy, na-shelve ang project pero finally, natuloy ito ngayong 2024.
“Nu’ng nakaluwag tayo, sabi ni kumander (the producer), ‘ituloy natin, nangako tayo sa patay,’” sabi ni Efren.
Ayon pa sa direktor/aktor, sobrang inspiring ang kwento ng buhay ni April Boy kaya gusto niyang i-share ito sa mga tao.
“Mas makulay ang April Boy sa likod ng entablado,” saad pa ni Direk Efren.
Isang malaking challenge nga raw kay direk ang finale ng pelikula.
“Dahil nu’ng sinusulat ko ‘to, buhay pa si April Boy. Ang original na script ko na finale scene is si April Boy mismo ang lalabas sa entablado para kumanta,” aniya.
Dahil nga wala na ang singer, hindi na ito nasunod at kinailangan niyang mag-isip ng magandang finale for the film. Ito ang dapat abangan ng manonood ’pag ipinalabas na ang movie sa mga sinehan sa Nov. 27.
We saw the film at the said premiere night at ayaw naming maging spoiler kaya hindi na namin sasabihin kung ano ang ginawang ending ni Direk Efren. Ang masasabi lang namin, kinilabutan kami sa finale scene.
Sa baguhang aktor na si John, na gumanap na April Boy, lumutang sa pelikula ang kanyang potensyal hindi lang sa pag-arte kundi maging sa pagkanta.
In fairness, ang taas din ng boses niya, ha. Hindi rin naman nagpahuli ang leading lady niyang si Kate Yalung, na gumanap bilang si Madelyn, misis ni April Boy.
Sa mga hindi nakakaalam, si April Boy ang nagpasikat ng mga awiting “‘Di Ko Kayang Tanggapin,” “Umiiyak ang Puso Ko’t Sumisigaw,” “Paano ang Puso Ko,” at marami pang iba.