Calendar
PH Consulate sa Houston naghatid ng overseas voters’ registration

WALANG naaksaya sa panahon at hindi pinalampas ng Philippine Consulate General sa Houston ang pagkakataon upang mailapit ang serbisyo sa ating mga kababayan.
Sa gitna ng masayang selebrasyon ng Houston Filipino Street Festival (HFSF) na naganap kamakailan sa Constellation Field, Sugar Land, Texas nagtayo ng voters’ registration booth ang Konsulado para sa mga kwalipikadong Pilipino roon.
Ang naturang festivity—na pinangunahan ng Filipino Young Professionals of Houston (FYP Houston)—ang isa sa pinakamalaki at pinakamasayang pagtitipon ng mga Fil-Am at Pinoy sa buong Texas.
Dito ay buong-giting na ipinagdiwang ang makulay na kultura, pamana, at pagkakakilanlan ng Lahi.
Pinangunahan ni Consul Von Pangwi ang event ng Konsulado bilang kabahagi at community partner sa nasabing festival.
Nag-alok sila ng mabilisang pagpaparehistro para sa Overseas Voting para makaboto ang ating mga kababayan sa paghahanda sa 2028 Philippine National and Local Elections.
Ayon sa Konsulado, layunin nitong tiyakin na bawat boses at boto ng Pilipino sa ibayong-dagat ay mabibilang sa darating na halalan.
