Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

PH delegation isinulong Maharlika Investment Fund sa mga kalahok ng 31st APPF

Mar Rodriguez Nov 29, 2023
128 Views

IPINAKILALA ng delegasyon ng Pilipinas sa mga kalahok ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum ang Maharlika Investment Corp., na siyang mangangasiwa sa Maharlika Investment Fund.

“Sa sidelines po, siyempre binanggit din natin na meron tayong napasa na ngayon at batas na po na Maharlika Investment Corporation,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa panayam ng mga mamamahayag sa pagtatapos ng Forum nitong Sabado.

Si Speaker Romualdez ay co-chairman ng taunang pagpupulong katuwang ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

“Kaya siyempre nakikita nila na maipagmamalaki itong napakagandang bansang Pilipinas, napakasigla ng ating ekonomiya. At nakikita nila ‘yung ating demokrasya talagang vibrant, ‘yung freedom of the press and expression ay nandito kaya nakikita po nila na mukhang maganda itong investment center at haven sa lahat ng sovereign wealth fund sa buong mundo, so mukhang maganda ang kinabukasan ng ating sovereign wealth fund,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin ni Rafael Consing Jr. bilang kauna-unahang pangulo at chief executive officer ng Maharlika Investment Corp. (MIC).

Ayon kay Speaker Romualdez, marami sa kanyang mga nakausap ay nagpahayag ng interes na muling bumisita sa Pilipinas.

“Tuwang-tuwa lahat eh. Mamaya makikita mo diyan sa dinner. Madaming gustong bumalik. Kung gusto mo bumalik, ibig sabihin gusto mo ‘yung nakikita mo at ‘yung naranasan ninyo. Kaya tama talaga ‘yung sinasabi namin ni Presidente ‘the Filipino people are the best’,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Ayon sa lider ng Kamara, a ng best asset ng Pilipinas ay ang mga Pilipino.

“’Yung hospitality, ‘yung respeto, yung accommodations, ‘yung nakita mo naman e, napaka maayos ‘yung preparasyon, ‘yung arrangements, seamless, masipag, overtime performance, top performing…nagugulat sila. Kumpleto talaga ‘yung Pilipino from everything, from education, arts, from industry, lahat po nasa atin na,” dagdag pa nito.

Muli ring iginiit ni Speaker Romualdez sa mga lumahok sa Forum ang foreign policy mantra ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “A friend to all and an enemy to none.”

Nagpahayag din ng kumpiyansa si Speaker Romualdez na maraming bansa sa Asia-Pacific region ang susuporta sa Pilipinas upang maging bahagi ito ng United Nations Security Council.

“Malaking dibidendo na ‘yan sa Pilipinas na makuha natin ang seat sa UN Security Council, kaya napakaganda nitong event na ito. I’d like to thank again our chairman (Zubiri) for the successful hosting, and the Senate, the House of Representatives, all of the staff, and the media,” wika pa ng lider ng Kamara.

Sinuportahan naman ni Zubiri ang kumpiyansa ni Speaker Romualdez na makakapasok ang Pilipinas sa UN Security Council.

“Mayroon pang isa, mayroon pang isang nadagdagan/ Kasama ko sila ngayon, pupunta kami, may lakad kami ngayon…Alam mo na, kailangan na kaibiganin nang maayos,” sabi ni Zubiri.