Korapsyon

PH di kakayanin kung korapsyon patuloy

225 Views

IPINAHAYAG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na “unsustainable” o hindi kakayanin ng bansa ang patuloy na korapsyon, at hinikayat niya ang kabataan na mamuno sa panawagang pananagutan sa sustainability forum na isinagawa sa National University noong Nobyembre 18.

Ayon sa senador, marami sa mga pagkukulang ng pamahalaan sa sustainability ay nagmumula sa kapabayaan at malalim na nakaugat na katiwalian. Sinabi niya sa mga estudyante, “Kayo ang henerasyon na sa wakas ay hindi lang gagawing trending hashtag ang sustainability. Gagawin ninyo rin itong isang pamumuhay, isang sistema, isang kultura.”

Binigyang-diin niya na “Corruption is unsustainable. Isa sa pinakamalaking threat sa ating kinabukasan,” at tinawag ang katiwalian na “the ultimate budget vampire” na sumisipsip sa pondong dapat mapunta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan. Tinukoy din niya ang babala ng United Nations na kung walang pag-unlad sa Sustainable Development Goal 16 hinggil sa kapayapaan, katarungan at matatag na institusyon, hindi uusad ang iba pang SDGs.

Sinabi pa ni Pangilinan na hinaharangan ng korapsyon ang mga pangunahing reporma. “Walang clean energy. Walang regenerative agriculture. Walang climate change strategy. Walang kinabukasan. Kaya totoo, hindi lamang imoral ang katiwalaan: kontra-kinabukasan, kontra-kabataan,” aniya.

Hinimok niya ang kabataan na gamitin ang social media upang ilantad ang pang-araw-araw na hirap ng mga Pilipino at dalhin ang adbokasiya sa kanilang mga paaralan, organisasyon at komunidad. “We are in crisis. So I ask you, what are you doing? Ano ang ginagawa niyo? Nawa’y maninindigan din kayo. Tataya din kayo. Kikilos din kayo. Makikibahagi din kayo,” sabi niya. Dagdag pa niya, “Kapangyarihan ang inyong mga plataporma bilang mga kabataan. Gamitin sa tama.”

Tinukoy din ng senador na kinakaharap umano ng bansa ang pinakamalaking isyu ng korapsyon sa kasaysayan at hiniling niya sa kabataan na ipaglaban ang mga walang boses at ang kinabukasan ng bansa. Hinikayat din niya silang ipagpatuloy ang halimbawa ng kabataang lumahok sa EDSA Revolution.