House Committee on Tourism

PH “globally competitive” na sa larangan ng turismo

Mar Rodriguez Mar 21, 2023
377 Views

IPINAGMAMALAKI ng House Committee on Tourism na maituturing na ngayon ang Pilipinas bilang “Globally Competitive” sa larangan ng tourism sa buong mundo. Bunsod na rin ng pagsisikap ng Department of Tourism (DOT) para i-promote ang turismo ng bansa sa international community.

Ito ang inihayag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, sa ginanap na National Tourism Development Plan 2023-2028 sa Sheraton Manila Bay na dinaluhan mismo ni DOT Secretary Maria Christina Frasco.

Sa kaniyang talumpati, pinapurihan ni Madrona si Secretary Frasco dahil sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay nagawa nitong mai-angat ang Philippine Tourism sa gitna ng pananalanta ng COVID-19 pandemic sa bansa. Partikular na sa mga nakalipas na buwan kung saan dumagsa ang maraming turista.

Sinabi ni Madrona na isang malaking “achievement” para sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang malagay ang Pilipinas sa nasabing karangalan (Globally Competitive) sapagkat nangangahulugan ito ng maraming oportunidad para sa bansa.

Ipinaliwanag din ni Madrona na layunin ng National Development Plan 2023-2028 ay ang pagbabalangkas ng mga plano ng administrasyong Marcos, Jr. para sa socio-economic policies, strategies at programs nito hindi lamang para sa Philippine tourism bagkos sa iba pang aspeto ng pamahalaan.

Muling iginiit ng kongresista na ang turismo ng Pilipinas ang isa sa mga itinuturing na “economic backbone” ng administrasyong Marcos, Jr. sapagkat malaking kita ang nai-aambag nito sa ekonomiya ng bansa dahil sa pagpasok ng mga dayuhang turista na bumibisita sa Pilipinas.