BBM

PH hindi babalik sa ICC

193 Views

Walang intensyon ang Pilipinas na bumalik bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan na ng legal team ng gobyerno ang mga nakapaloob na isyu sa ICC at sa ginagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

“The Philippines has no intention of rejoining the ICC… Ang meeting namin ay dahil sinasabi ngayon na itutuloy ang imbestigasyon. Eh sinasabi naman naming may imbestigasyon naman dito,” sabi ni Marcos.

Ipinunto ni Marcos na mayroong isinasagawang imbestigasyon sa kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.

“Patuloy din naman ang imbestigasyon, bakit magkakaroon ng ganu’n? So anyway, para alam natin ang gagawin natin, if we will respond, if we will not respond, kung ano — kung sakali man sasagot tayo, ano magiging sagot natin or possible din, basta hindi natin papansinin dahil hindi naman tayo sumasailalim sa kanila,” sabi pa ni Marcos.

Noong Hulyo 27 ay nagpulong sina Marcos, Executive Secretary Vic Rodriguez, Solicitor General Menardo Guevarra, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, at dating presidential spokesperson Harry Roque para pag-usapan ang isyu ng ICC.

Pinutol ng Duterte administration ang pagiging miyembro ng ICC noong 2019.