PH hosting ng Asia-Pacific Minister Conference on Disaster Risk Reduction pinuri ng int’l community

Chona Yu Oct 21, 2024
87 Views

UMANI ng papuri ang Pilipinas mula sa international community dahil sa matagumpay na hosting ng bansa sa katatapos lamang na Asia-Pacific Minister Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ayon kay UN Secretary General Special Representative for Disaster Risk Reduction at Head ng UN Office for the Disaster Risk Reduction Kamal Kishore, ang Pilipinas ang nagtakda ng benchmark para sa conference na ito.

“You’ve set a new benchmark for the Asian Ministerial Conferences on Disaster Risk Reduction,” pahayag ni Kishore.

Kinilala rin ni Kishore ang personal na involvement at commitment ni Pangulong Marcos sa paglaban sa Climate Change, pagpapagaan ng epektong iniiwan nito sa bansa, at ang mga inisyatibo para sa disaster risk reduction.

“Your commitment is an inspiring example for leaders across the world,” dagdag ni Kishore.

Ito ang kauna-unahang beses na nag-host ang Pilipinas ng international conference na ito.

Dito, nabigyan ng pagkakataon ang mga bansa sa Asia-Pacific na isulong ang koordinasyon, magpalitan ng best practice, at magpatatag ng mga kooperasyon para sa disaster risk reduction sa rehiyon.

Ginamit rin ng Pilipinas ang pagkakataon upang bigyang diin ang posisyon nito sa usapin ng Climate Change at Disaster Risk Reduction.

Kasabay ng pagsusulong ng implementasyon ng Sendai Framework 2015-2030 at the regional level.

Una nang ginanap ang conference sa China, India, Malaysia, Korea, Indonesia, Thailand, Mongolia, at Australia.