Calendar
PH nais gawing defense depot ng Poland
HINILING ng panig ng Poland sa Pilipinas na pag-aralan ang alok nitong gawing defense materials depot ang Pilipinas, at sa kalaunan ay isang malaking defense manufacturing hub sa rehiyon.
Inilatag ito sa pagbisita ni dating Polish President Andrzej Duda kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes, ayon sa Senado.
Kasama ni Duda sa Senado si Tomasz Poręba, dating miyembro ng European Parliament.
Hindi binanggit ng Senado kung ano ang naging tugon ni Gatchalian sa alok.
Tinalakay din ng magkabilang panig ang posibleng pagtutulungan sa financial technology at sa modernisasyon ng depensa, gamit ang teknolohiya at kaalaman ng Poland, ayon sa Senado.
Kinilala rin nila ang pag-unlad ng relasyon ng Pilipinas at Poland, lalo na sa kalakalan at pamumuhunan.
Nagpahayag din si Duda ng suporta sa direksiyon ni Polish President Karol Nawrocki, na aniya’y pagpapatuloy ng kanyang layuning palakasin ang ugnayan ng Poland sa mga pangunahing kaalyado nito sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Naganap ang pagbisita dalawang linggo matapos ang state visit ni Nawrocki sa bansa. Iniulat na siya ang kauna-unahang nakaupong pinuno ng Poland na bumisita sa Pilipinas.
Sa pagbisitang iyon, binanggit umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbili ng Pilipinas ng S-70 Black Hawk combat utility helicopters mula sa Poland bilang bahagi ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

