Calendar
PH Navy: Mula 207 bilang ng barko ng Tsina bumaba sa 157
BUMABA na ang bilang ng mga barko ng China na nasa loob ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa Philippine Navy, mula sa dating 207 noong nakaraang linggo ay nasa 157 Chinese ships na lamang ang namataan sa naturang lugar.
Sa tala ng Philippine Navy, mula September 10 hanggang 16 ay nasa 123 Chinese maritime militia vessels , 26 China Coast Guard Ships, 7 People’s Liberation Army Navy warship at isang research vessel ang na-monitor sa WPS.
Ang naturang mga barko ay namataas sa paligid ng Bajo de Masinloc, Ayungin Shial, Pagasa Islands, Lawak Island, Panata Island, Escoda Shoal at Iroquois reef.
Nakasaad din sa datos ng Philippine Navy na mula September 3 hanggang 9 ay nakapagtala sila ng pinakamataas na bilang ng Chinese vessels sa lugar na umabot sa 207.
Karamihan sa mga ito ay makikita sa Escoda Shoal.
Matatandaan na nitong Linggo lamang ay nilisan ng BRP Teresa Magbanua, ang pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard ang Escoda Shoal dahil sa masamang kondisyon ng panahon sa dagat, kakulangan sa pagkain ng mga tauhan nito na naging sanhi rin ng pagkakasakit sa ilan sa kanila.
Paliwanag ng PCG, hindi inabandona ng kanilang hanay ang lugar dahil may barko naman silang ipapalit sa Escoda Shoal.
Tiniyak din ng PCG na sa kabila ng presensiya ng mga Chinese vessels sa lugar ay makakapasok parin ang barko ng Pilipinas dahil marami namang entry points dito.
Nauna nang nanawagan ang China sa Pilipinas na alisin ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal dahil sa anila’y lumalabag ito sa Chinese sovereignty.
Nanindigan naman ang gobyerno ng Pilipinas na walang nilalabag na batas ang barko at sa katunayan ay nilagay ito sa lugar simula pa noong April 15, dahil sa mga ulat na reclamation activities ng China sa lugar.
Ang Escoda o Sabina shoal ay makikita sa 75 nautical miles o may 140 kilomentro ang layo sa Palawanb at nasa loob ng 200 –nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.