Sugar

PH pwede na mapunuan pangangailangan sa asukal

Cory Martinez Jun 19, 2025
17 Views

MALAPIT na maging self-sustaining ang Pilipinas pagdating sa sugar consumption sa susunod na ilang taon kung mapanatili ng industriya ang production output ngayong 2025.

Sa production data ni Sugar Regulatory Administrator at chief executive officer Pablo Luis Azcona kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., lumampas sa 2-million-metric-ton mark sa kauna-unahang pagkakataon simula noong 2020-2021 crop year at ang napakalaking pagtaas ng 300,000 metric tons mula sa inisyal na pagtaya ng 1.7 million metriko tonelada na katumbas ng anim na milyong bags ng asukal.

Ayon kay Tiu Laurel, nagpapakita na mayroong potensiyal na maaabot ang pangangailangan sa produksyon ng 2.3 metriko tonelada ang matatag na pagtaas sa raw sugar production sa ilalim ng administrasyong ito basta maganda ang kundisyon at mapanatili ang suporta sa industriya.

Nitong Hunyo 8, naitala sa 2.015 metriko tonelada ang production at ilang linggo na lamang ang natitira sa milling. Sa nakalipas na anihan, naitala sa 1.922 million metriko tonelada ang raw sugar output.

Naitala naman ang 1.799 million metriko tonelada noong 2022-2023 crop year, na nakabawi na mula sa mga naunang problema dulot ng panahon at isyu sa supply.

Nalagpasan ang 2-million metric tons produksiyon ng raw sugar noong 2020-2021 ng maitala ang kabuuang resulta na umabot sa 2.14 million metric tons.

Maiuugnay sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pagtaas at dahan-dahang baguhin ang cropping calendar mula Agosto 2022 at gawing October 1 ngayong 2025 na panahon ng anihan.

“Mahigpit kaming nakikipagtulungan sa mga magsasaka, millers at iba pang stakeholders upang masiguro na magpapatuloy ang pagtaas ng trend,” dagdag ni Tiu Laurel.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na pangarap ni Pangulong Marcos na muling pasiglahin ang industriya ng asukal sa pamamagitan ng pagdagag sa ani at kalaunan ay maging major supplier ang bansa ng asukal sa buong mundo at “tayo ay nasa tamang landas para maabot ito.”

Inatasan ng kalihim si Azcona na mas pahusayin pa ang mga binhi ng tubo sa pamamagitan ng paghahanap ng mas mahusay na planting materials na maaaring makakapagpalakas sa ani at agad na masugpo ang pagkalat ng red-striped soft scale na mga insekto, upang mapanatili ang pagtaas sa produksiyon.

Iniuugnay ni Azcona ang pagtaas ng produksiyon ng raw sugar sa mga hakbang na isinulong ng SRA sa mga taniman ng tubo sa buong bansa.

Sinabi ng SRA chief na nakatulong din sa mga magsasaka ang mataas na produksyon sa asukal at matatag na presyo ng tubo sa mga nakalipas na taon.

“Ang mababang retail price ay nakatulong din sa mga magsasaka at sa mga mamimili ng asukal,” dagdag ni Azcona.