Money1

PH tanggal na sa dirty money list ng FATF

Chona Yu Feb 22, 2025
14 Views

TANGGAL na ang Pilipinas sa dirty money grey list ng Paris-based watchdog Financial Action Task Force (FATF).

Ito ay matapos ang mahigit tatlong taon na pagkakasama ng Pilipinas sa listahan.

Oras na maisama ang isang bansa sa “grey list” o increased monitoring, nangangahulugan ito na ang isang bansa ay nagbigay ng pangako na malulutas ang mga naitalang estratehikong kakulangan sa loob ng mga napagkasunduang oras at sasailalim sa masusing pagsubok.

Ginawa ng FATF na alisin ang Pilipinas mula sa “grey list” matapos ang isang onsite na bisita nito noong Enero 20-22, 2025 kung saan matagumpay na ipinakita ng Pilipinas ang pagsunod sa kanilang action plan.

Ang pagtatanggal ng bansa mula sa nasabing listahan ay naganap halos dalawang taon matapos maglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2023 ng Executive order No. 33 na nagsilbing gabay para sa pagtugon sa action plan na ipinataw ng FATF.

Sinabi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na siya rin chairman ng National Anti-Money Laundering/Counter Terrorism Financing/Counter Prolifiration Financing Coordinating Committee (NACC) na ang pagkilalang ito ay nagpapatunay na ang AML/CTF/CPF framework ng PIllipinas ay naaayon sa mga panindigang pamantayan.

“It supports our vision to enhance economic competitiveness for the benefit of our people,” ayon pa kay Bersamin.