Martin1

PH-US-JPN trilateral meeting kapaki-pakinabang sa mga Pinoy — Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Apr 16, 2024
123 Views

MAGIGING kapaki-pakinabang sa mga Pilipino ang resulta ng makasaysayang trilateral meeting nina US President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na kasamang nagtungo ni Pangulong Marcos sa Washington DC.

Ayon kay Romualdez mahalaga na naging solido ang pagsuporta ng Estados Unidos at Japan sa Pilipinas kaugnay ng isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa Joint Vision Statement nina Biden, Kishida, at Marcos kinondena ng tatlong lider ang mga ginagawang panghaharass ng China sa mga Pilipino sa WPS gayundin ang militarization ng mga reclaimed features sa lugar.

Sinabi ni Biden na anumang pag-atake sa eruplano, sasakyang pangdagat ng Pilipinas o militar ay magreresulta sa paggamit ng Mutual Defense Treaty kung saan sasaklolohan ng Amerika ang Pilipinas.

Iginiit ng tatlong lider na dapat kilalanin ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nagsasabi na ang WPS ay Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas.

“President Marcos, Jr.’s steadfast leadership and diplomatic initiatives significantly advanced our country’s national interests, especially in upholding our sovereignty and safeguarding our territorial integrity, particularly in the West Philippine Sea,” ani Speaker Romualdez.

“The commitment of the United States and Japan to support the Philippines in defending its sovereignty and promoting regional peace is a testament to the strength of bilateral and multilateral partnerships in addressing complex security challenges,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Ayon kay Speaker Romualdez, makakatulong din ang trilateral meeting upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

“The trilateral meeting presents a significant opportunity for strategic collaboration among like-minded allies in the Indo-Pacific region,” saad ni Speaker Romualdez.

“I am optimistic that the discussions between President Biden, Prime Minister Kishida, and President Marcos, Jr. will pave the way for enhanced cooperation in advancing our defense capabilities and ensuring regional security and stability,” dagdag pa nito.

Sa bisperas ng trilateral meeting, sinabi ni Speaker Romualdez na inihain nina US Senators Bill Hagerty (Republican) at Tim Kaine (Democrat), mga miyembro ng Senate Foreign Relations Committee, ang panukalang Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) na naglalayong gawing moderno ang alyansa ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng US ng security assistance sa Pilipinas.

Nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng $500 milyong Foreign Military Financing (FMF) grant assistance sa Pilipinas mula 2025 hanggang 2029 o kabuuang $2.5 bilyon.

Napag-usapan din sa trilateral meeting ang pagtulong ng Amerika at Japan sa Pilipinas upang lumakas ang microchip industry nito.

Sinabi ng tatlong lider sa Joint Vision Statement na suportado nila ang semiconductor workforce development initiative.

Sa ilalim ng inisyatiba, magpapadala ang Pilipinas ng mga estudyante para magkaroon ng world-class training sa mga pangunahing unibersidad sa Amerika at Japan. Ito ay magagamit upang mapalakas ang semiconductor supply chain ng Pilipinas.

“These developments hold immense promise for the Filipino people, as they are poised to significantly impact investments, job creation, business expansion—particularly online and IT-related enterprises— and overall livelihood,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Pangulong Marcos ay inaasahan na 128,000 semiconductor engineer at technician ang malilikha sa ilalim ng programa hanggang sa taong 2028.

Ang Amerika at Japan ay maglalagak din ng hindi bababa sa US$8 milyon para sa Open Radio Access Network (RAN) field trials sa Asia Open RAN Academy na nakabase sa Maynila.

Ang Open RAN ay isang nonproprietary version ng Radio Access Network (RAN) system para magkaroon ng interoperation ang mga cellular network equipment ng magkakaibang kompanya.

Layunin ng inisyatiba na matiyak na maaasahan, ligtas, at mapagkakatiwalaan ang information communications technology ecosystem sa Pilipinas. Target ng Pilipinas na ma-umpisahan ang Open RAN sa ilalim ng national broadband program at libreng Wi-Fi project.

Nakuha rin ni Pangulong Marcos ang suporta ng Amerika at Japan ang isang railway project na mag-uugnay sa Subic, Clark, at Batangas.

“The commitment of the US and Japan to support a railway project linking Subic-Clark-Batangas is a remarkable achievement of President Marcos, Jr. as it holds immense potential for driving economic growth and development across the nation,” sabi ni Speaker Romualdez.

Bukod sa mapabibilis ang pagbiyahe ng mga kargamento, sinabi ni Speaker Romualdez na magiging mahalaga ang railway link sa inaasahang magpaparami sa mapapasukang trabaho at magbibigay ng oportunidad na kumita sa maraming Pilipino at magpapalakas ng ekonomiya.

“By diverting cargo away from roads, the railway project could help ease traffic congestion in Metro Manila, which is a major bottleneck for logistics,” punto pa ng lider ng Kamara.

Kasama si Speaker Romualdez ay nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Ultra Safe Nuclear Corporation (USNC) na nagpaplanong magtayo ng Micro Modular Reactors (MMR) sa Pilipinas.

Sinabi ni Romualdez na ang pagtatayo ng nuclear plant sa bansa ay makapagpapababa sa presyo at titiyak na mayroong sapat at maaasahang suplay ng kuryente ang bansa.

Noong Nobyembre 2023 ay sinaksihan ni Pangulong Marcos ang paglagda sa kasunduan ng Meralco at USNC para sa pagsasagawa ng pag-aaral para sa pagtatayo ng nuclear plant sa bansa.

Nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Japan Chamber of Commerce and Industry (JCCI) at hinimok ang mga ito na mamuhunan sa Pilipinas.

Ayon kay Speaker Romualdez ang makasaysayang trilateral meeting ay isang pagkilala sa pamumuno ni Pangulong Marcos at sa kanyang mga foreign policy.