Calendar

PhilHealth nagpaalala sa mga benepisyong hatid para sa may sakit sa bato
SA pagdiriwang ng Buwan ng Bato, muling pinaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga Pilipino na alagaan ang kanilang mga kidney o bato.
Itinatag sa bisa ng Presidential Proclamation No. 184 noong 1993, layunin ng taunang selebrasyong ito na itaas ang kamalayan hinggil sa mga sakit sa bato at kung paano ito maiiwasan.
Pinangungunahan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang paggunita sa Buwan ng Bato, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng maagang pagtuklas ng sakit, wastong pamumuhay, at kalusugan ng mga bato upang maiwasan ang chronic kidney disease (CKD).
Kasabay nito, kinikilala rin ang kabayanihan ng mga kidney donors at ang kanilang mga pamilya, at hinihikayat ang publiko na isaalang-alang ang pagiging organ donor.
Pinalawak na Benepisyo ng PhilHealth para sa may CKD
Upang matulungan ang mga pasyenteng may CKD, pinalawak ng PhilHealth ang bilang ng hemodialysis sessions mula 90 hanggang 156 kada taon, na may halagang PHP6,350 bawat session.
Ang Z Benefit Package para sa peritoneal dialysis ng mga adult patients ay may kabuuang halaga na P510,140, habang ang para sa mga batang pasyente ay umaabot ng P1,269,000.
Para naman sa kidney transplantation:P1,045,000 ang coverage kung ang donor ay buhay; at P2,146,000 naman kung ang donor ay pumanaw na.
Sakop din ng PhilHealth ang gamutan para sa exit site infection at peritonitis prevention: P29,200 kada taon para sa adult patients, o P7,300 bawat episode (maximum na 4 episodes kada taon); P16,800 kada taon para sa pediatric patients, o P1,400 bawat buwan (maximum na 4 episodes kada taon).
Ayon sa PhilHealth, 120 sa bawat isang milyong Pilipino ang nagkakaroon ng CKD taon-taon. Kaya’t mahalaga ang maayos na pamamahala sa mga sakit gaya ng diabetes at high blood pressure na maaaring magdulot ng pinsala sa kidney.
Mga Paalala sa Wastong Pangangalaga ng Bato:
Kumain ng prutas at gulay
Iwasan ang maalat at matatamis na pagkain.
Mag-ehersisyo ng hindi bababa sa 30 minuto araw-araw.
Matulog ng pito hanggang walong oras kada gabi.
Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Noong nakaraang buwan, umabot sa P592 milyon ang binayaran ng PhilHealth sa NKTI mula Enero 1 hanggang Mayo 21, kung saan P161 milyon ay para sa hemodialysis claims.