Tulfo

PhilHealth sasagutin na rin prescription glasses, crutches, walkerm, wheelchari — Tulfo

110 Views

TulfoMAGANDANG balita dahil sasagutin na rin ng PhilHealth ang mga prescription glasses, crutches, walker at wheelchair ng mga miyembro nito sa Enero 2025.

Ito’y bunsod na rin ng pakiusap ni House Speaker Martin Romualdez sa mga opisyal ng PhilHealth.

“Problema talaga ng mga seniors at PWDs ang mga gamit na ito sa pang-araw-araw para sila ay makakilos kung kaya’t naisipan ni Speaker Romualdez na ipasagot na rin sa PhilHealth ang mga ito,” ayon kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.

Pinulong ni Cong. Tulfo at ang Office of the Speaker ang mga opisyal ng PhilHealth sa pangunguna ni Pres. Mandy Ledesma sa Kongreso noong nakaraang Huwebes.

“Pumayag po ang PhilHealth na sagutin na ang mga kagamitang ito simula sa pagpasok ng taon,” ani Cong. Tulfo.

Ayon pa kay Tulfo, “Kadalasan ay mga wheelchair ang hiling ng mga kababayan natin lalo na yung mga senior at PWD pero pinasama na rin ni Speaker Romualdez ang mga salamin sa mata, saklay at walker.”

“Bawas gastos ito sa mga kababayan natin lalo na sa mga mahihirap, na ito ang parating inilalapit sa Office of the Speaker,” pahabol ni Tulfo.

Humingi naman si Pres. Ledesma ng hanggang sa Enero sa susunod na taon para sa implementasyon ng programa para mabuo ang mechanics ng nasabing programa.

“Sang-ayon po kami na malaking tulong ito sa mga kababayan natin na makakuha sila ng libreng salamin o wheelchair,” ani Ledesma.

Ayon pa sa pinuno ng PhilHealth, “Bubuuin po namin ang mechanics kung papaano nila ma-avail ang mga wheelchair at salamin, kung saan o anu-anong optical center at mga botika o tindahan nila maaaring makakuha ang mga ito.”

Sa isang statement sinabi ni Speaker Romualdez, “bahagi pa rin po ito ng programa ng administrasyon na tulungan ang mga mahihirap, matatanda, PWDs at mga may sakit na Pilipino.”