Ledesma

PhilHealth tiniyak babawas premium ng miyembro; pagsagot sa bayad sa ospital palalawakin

55 Views

TINIYAK ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babawasan ang premium contribution rates ng mga miyembro mula 5% patungong 3.25% at palalawakin ang hospital coverage ng hanggang 50% simula sa susunod na buwan, kahit walang natatanggap na subsidiya mula sa gobyerno.

Ginawa ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang pangakong ito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Kamara nitong Martes, bilang tugon sa panawagan ng mga mambabatas na mas gamitin ang malaking pondo ng ahensya para direktang makinabang ang mga miyembro.

Hiniling ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na tiyakin ng PhilHealth ang pagbaba ng kontribusyon ng mga miyembro, lalo’t may sobra itong pondo.

“Pwede bang mangako ang PhilHealth President? Sinasabi ninyo na tataas ng 50% ang coverage, na pinasasalamatan namin. Pero hindi pa ninyo natutupad ang mandato na ibaba ang premium contribution,” giit ni Bongalon.

Ipinaliwanag niyang mandato ng PhilHealth na bawasan ang kontribusyon kapag lumampas ang reserve funds sa kinakailangang ceiling para sa mga gastusin.

Kinumpirma ni Ledesma ang kanilang plano na irekomenda ang pagbaba ng premium contribution, na tumutugma sa panukalang batas sa Senado para ibaba ang rate mula 5% patungong 3.25%.

“Nangako ako na pag-uusapan namin ito ng aking team sa PhilHealth para magrekomenda ng pagbaba sa premium contributions. Buong puso naming susuportahan ito,” ani Ledesma.

Nilinaw rin ni Ledesma na ang premium rates ay itinatalaga ng batas. “Naka-set po lahat ‘yan. Sa ngayon, nasa 5% pa rin ito ngayong taon, na siyang huling pagtaas.”

Kinuwestyon din ni Bongalon ang paggamit ng PhilHealth sa pondo ng gobyerno, lalo na ang alokasyon para sa mga indirect contributors na tila napupunta sa investments.

“Sa 2024 GAA, ang budget ng PhilHealth ay P60 bilyon, kung saan P40 bilyon ay para sa indirect contributors. Pero hindi natin maintindihan kung bakit napupunta ito sa investments,” dagdag ni Bongalon.

Samantala, ikinatuwa ni Manila Rep. Joel Chua, pinuno ng Blue Ribbon Committee, ang pangako ng PhilHealth na bawasan ang kontribusyon at palawakin ang benepisyo.

“Sa ganitong PhilHealth, mas dadami ang tulong na maibibigay sa mga tao,” ani Chua, na binigyang-diin ang hirap na dinaranas ng mga mahihirap na pasyente dahil sa mataas na bayarin sa ospital.

“Ang kalusugan pa rin ang pangunahing problema ng ating mga constituents. Halimbawa, kung ma-confine ka sa Heart Center at umabot ng isang milyon ang bill, saan kukuha ng ganitong halaga ang ating mga kababayan?” tanong ni Chua.

Nanawagan din si Chua sa PhilHealth na ituon ang pondo nito sa pagpapalawak ng healthcare benefits kaysa sa investments.

“Kaya sana, PhilHealth, unahin natin ang benepisyo sa kalusugan. Ang tunay na investment natin dito ay ang buhay ng tao,” diin niya.

Tiniyak ni Ledesma na tututukan ng PhilHealth ang pagpapalawak ng mga benepisyo. “Ang commitment namin ay palawakin ang program benefits, na sana ay maipatupad na sa susunod na buwan,” aniya.

Sa kabila ng P150 bilyon na surplus funds at mahigit P200 bilyon na reserve funds ng PhilHealth, nanawagan ang mga mambabatas na balansehin ang financial sustainability at agarang tulong na mararamdaman ng mga miyembro.

Babantayan ng mga mambabatas ang pagpapatupad ng mga pangakong ito upang matiyak na maibabalik ang tunay na serbisyo sa mga Pilipino.