Dy

Philippine Corn Research Institute itatag — solon

Mar Rodriguez Nov 19, 2022
271 Views

BINIGYANG DIIN ng isang Central Luzon congressman ang importansiya ng mais o corn na itinuturing bilang pangalawang “major crop” sa Pilipinas kasunod ng produktong bigas. Kaya isinulong nito ngayon ang isang panukalang batas sa Kongreso na naglalayong magtatag ng Philippine Corn Research Institute sa bansa.

Ipinaliwanag ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na itinuturing din ang mais bilang isang “basic commodity” o pangunahing produkto na madalas gawing sangkap sa mga lutuin at malimit na kinakain ng nakararaming Pilipino.

Bukod dito, sinabi pa ni Dy na ang mais ay itinuturing at isinusulong bilang healthy alternative at nutritious substitute sa kanin. Kung saan, malaki ang kontribusyon na ibinibigay din ng mais para sa kabuhayan o livelihood ng tinatayang 600,000 magsasaka.

Ipinabatid pa ni Dy na ang mais ang nangungunang “source of feeds” para naman sa sektor ng manukan o Philippine poultry. Gayundin naman para sa industriya ng livestock. Sapagkat noong nakaraang taon (2021) umakyat sa 8.83% ang corn production sa bansa.

“Corn is the second major crop product in the Philippines. It is considered as a basic commodity and a staple food for most Filipinos. In fact, it is promoted as a healthy alternative and a nutritious substitute for rice. Corn contributes to the livelihood of plenty as about 600,000 farm households,” ayon kay Dy.

Dahil dito, isinulong ng kongresista ang House Bill No. 1216 sa Kamara de Representantes upang magtatag ang pamahalaan ng Philippine Corn Research Institute na tututok sa pagsasagawa ng research at pag-aaral kung papaano lalo pang mapagbubuti ang produksiyon ng mais.

“This institution aims to modernize the corn industry, thereby improving the quality of corn products as well as livelihood and capabilities of Philippine corn farmers,” sabi pa ni Dy.