Philippine Salt Industry Act pumasa na sa Kamara

Mar Rodriguez May 30, 2023
169 Views

SINABI ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas kaugnay sa Philippine Salt Industry Act.

SA pamamagitan ng 287 affirmative votes, ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa 3rd at final reading ang House bill 8278 o panukalang Philippine Salt Industry Development Act

Kumpiyansa ang liderato ng Kamara de Representantes na sa pamamagitan ng panukalang batas, na isa sa LEDAC priority measure ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. administration ,ay mapapalakas at mapapasigla muli ang industriya ng asin sa bansa at matigil na ang pag-depende natin sa importasyon.

“The significance of the salt industry hasn’t been lost on our President and concurrent Department of Agriculture (DA) chief Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. He knows that we need to correct the sad irony that the country imports nearly 550,000 metric tons (MT) or 93 percent of its requirement for salt. This is indeed a sin,” ayon kay House Speaker Romualdez.

Isa sa pinakamahalagang probisyon ng panukala ang pagtatatag ng Philippine Salt Industry Development Council (PSIDC) na siyang magpapatupad ng Philippine Salt Industry Development Roadmap.

Nakasaad din dito ang pagbibigay tulong ng gobyerno sa mga kumpanya na gumagawa ng asin upang makagamit ang mga ito ng mga makabagong teknolohiya sa paggawa ng asin.

Mapapasailalim naman na ng Department of Agriculture- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang pamamahala sa salt industry mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pinahihintulutan din ng panukala na gamitin sa salt production ang mga lupa ng gobyerno na nakalaan para sa fishpond at mayroong kasalukuyang fishpond lease agreements (FLA).

Ang lahat ng mag-aangkat ng food-grade na asin ay dapat kumuha ng permiso mula sa Department of Health-Food and Drug Administration at DA-BFAR at kung industrial salt ang aangkatin sa DA-BFAR lamang.

Kailangan naman makasunod ang mga imported na sa mandatory iodization alinsunod sa ASIN law habang exempted naman sa mandatory iodization ang mga domestically-produced salt.