Calendar
Source: Philippine Red Cross
Phivolcs: Magnitude 8.2 na lindol posibleng mangyari sa 6 na trenches

NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagtama ng isang malakas na lindol na maaaring umabot sa magnitude 8.2 mula sa mga aktibong trench sa bansa.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, kabilang sa mga lugar na may kakayahang lumikha ng napakalakas na lindol ang Philippine Trench, East Luzon Trough, Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench at Cotabato Trench.
Ang babala ay kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na nagmula sa Cotabato Trench at yumanig sa bahagi ng Mindanao, na nagdulot ng pinsala sa ilang lugar.
Ipinaliwanag ni Bacolcol na ang Cotabato Trench, na may habang mahigit 300 kilometro, ang pinagmulan ng nasabing pagyanig sa Sarangani na itinuturing na pinakamalakas na lindol na naitala ngayong taon.
Binigyang-diin niya na ang mga trench ay may kakayahang magpakawala ng lindol na lagpas magnitude 8, gaya ng nangyari noong Agosto 17, 1976 nang tamaan ng magnitude 8.1 na lindol ang Mindanao na sinundan pa ng mapaminsalang tsunami.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na dapat maging handa ang mga komunidad na malapit sa mga aktibong trench dahil sila ang pinakaapektado sakaling magkaroon ng malakas na pagyanig.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang publiko na maghanda ng emergency o go-bag, alamin ang pinakamalapit na evacuation area, at ugaliing makinig sa mga opisyal na abiso upang mabawasan ang panganib kapag tumama ang malakas na lindol.

