Calendar

Phivolcs Modernization Act hinirang na mahalagang tagumpay sa kakayahan ng Pinas vs mga kalamidad
IPINAHAYAG ni Senador Alan Peter Cayetano na isang mahalagang tagumpay ang pagkakapasa ng PHIVOLCS Modernization Act of 2025 o Republic Act No. 12180, na nagpapalakas sa kakayahan ng bansa na harapin ang mga sakunang dulot ng kalikasan.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas noong Abril 24, at ito ay opisyal na ipinrisinta sa Malacañang nitong Mayo 22.
Dumalo sa seremonya sa Malakanyang ang mga opisyal mula sa Department of Science and Technology (DOST), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), at mga mambabatas.
Isinulong ni Cayetano ang Senate Bill No. 2825, na naging batayan ng naturang batas. Layunin nitong i-modernisa ang PHIVOLCS sa pamamagitan ng pagpapalawak ng seismic monitoring sa lahat ng 24 aktibong bulkan—mula sa kasalukuyang 10—at pagpaparami ng earthquake monitoring stations mula 125 patungong 300.
Kabilang sa mga reporma ang pagbili ng makabagong kagamitan, pagpapalakas ng data infrastructure, at pagsuporta sa pananaliksik kaugnay ng mga banta gaya ng lindol, tsunami, at pagputok ng bulkan.
“My deepest gratitude to everyone who made this possible. This law will fill the gaps in our disaster monitoring systems and help Filipinos become more prepared when calamities strike,” ani Cayetano sa kanyang talumpati.
Binigyang-diin din niya ang papel ng agham sa pampublikong kaligtasan. “By modernizing PHIVOLCS, we are making a bold move to ensure that science and innovation are at the heart of our disaster response and preparedness.”
Dagdag pa ng senador, hindi lang ito teknikal na pag-upgrade kundi isang polisiya na nagbibigay ng malinaw na direksyon: “This law doesn’t just call for a master plan, but sets clear national policy. It gives everyone a framework to follow. Mas magiging handa na tayo.”
Itinatakda rin ng batas ang pagbuo ng PHIVOLCS Modernization Fund na aabot sa ₱7 bilyon sa loob ng limang taon, na may taunang alokasyon mula ₱1.25 bilyon hanggang ₱2 bilyon, at hindi kukunin mula sa kasalukuyang pondo ng DOST.
May probisyon din para sa pagkuha ng mga eksperto, pagpapataas ng operational standards, at pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado ng PHIVOLCS upang masigurong magtatagal ang mga propesyonal sa serbisyo.
Sa pagtatapos, sinabi ni Cayetano: “What we can do is to be prepared, warn people, and of course what we can do is honor God’s creation by protecting nature.”
Sa kabuuan, inaasahang mas magiging matatag ang kakayahan ng Pilipinas sa harap ng mga kalamidad sa tulong ng makabagong agham at teknolohiya.