Tess

Pia Cayetano alam at naranasan ang tunay na pagbabago

28 Views

NANG pumasok si Pia Cayetano sa Senado noong 2004 bilang pinakabatang babaeng senador sa kasaysayan, hindi lang bagong mukha ang dala niya; dala din niya ang puso ng isang ina, ng isang palaban, at ng isang babaeng batid ang saya at hirap ng buhay.

Mula nang una siyang mahalal noong 2004 at muling maluklok noong 2010 at 2022, mahigit dalawang dekada na siya ngayon sa mundo ng Philippine legislation – patunay ng kanyang hindi matatawarang commitment na paglingkuran ang taumbayan, na patuloy rin namang nagtitiwala sa kaniya.

At sa loob ng panahon na iyon, ipinakita niyang hindi lang niya bukambibig ang tunay na pagbabago. Sa halip, isa siyang buhay na patunay ng kapangyarihan nito.

Gamit ang masasakit na karanasan niya sa buhay, gumagawa siya ng mga batas na nagpabago at patuloy na nagpapabago sa buhay ng mga pamilyang Pilipino.

Bilang ina ng dalawang anak na babae, ng isang ampon, at ng isang anak na may kapansanan, ramdam ni Pia ang pang-araw-araw na laban ng mga magulang sa edukasyon, kalusugan, at ang pangambang hindi matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Pero ang pinakakakaiba sa kanya? Naranasan niyang mamatayan ng anak pero nagawa pa niyang lumaban sa buhay, hindi para sa sarili kundi para sa ibang mga pamilyang nagdurusa sa mga sitwasyong napagdaanan na niya.

Ang pagiging single parent ang nagturo sa kaniya kung paano maging matatag. Imbes na magpadaig sa hirap, ginamit niya ito para basagin ang mga hadlang sa mas maayos na pamumuhay ng mga pamilya. Itinulak niya ang mga batas para sa mas maayos na childcare, suporta sa mga PWD, at proteksyon para sa mga solo parents.

Iisipin ng iba na namumulitika lang siya kapag binibida niya ang mga ito, pero hindi. Dahil ito ang totoong buhay niya, at ang pagiging bukas niya sa kanyang mga karanasan ang mismong dahilan kaya tumatagos ang mensahe niya sa mga nanay at kababaihan sa buong bansa.

Isang lider na hindi lang nangangakong magdadala ng pagbabago kundi nakakaintindi nito, dahil siya mismo ay pinagdaanan ito – ‘yan si Pia Cayetano. Siya ay tinig ng mga ina, tagapagtanggol ng mga naaapi, at senadora na tinatambalan ng aksyon ang malasakit.

Kwento pa lang ng buhay niya, maaantig ka na. Pero ang pinaka-kahanga-hanga sa kaniya ay ang pagsisikap niya.

Kaya kung gusto natin ng pamahalaang tunay na may malasakit, si Pia Cayetano ang sagot. Hindi lang siya public servant natin – kabilang siya sa atin.