Atty. Francis ople

Pigilan ang Desperasyon ng mga Kulelat: Lumabas at Bumoto sa Mayo 9!

Francis Ople Apr 22, 2022
526 Views

MAHIGIT dalawang linggo na lamang at nakatakda nang maghalal ang sambayanang Pilipino ng mga panibagong opisyal na mamumuno sa bansa sa susunod na tatlo o anim na taon.

Ang mga kandidato at ang kanilang mga taga-suporta ay abalang-abala na sa pangangampanya upang mapanatili ang kanilang lamang sa mga survey o di naman kaya’y para makahabol sa nangunguna. Ito na ang tinatawag na “home stretch” ng kampanyahan at sa mga pinaka-huling survey, lubusang namamayagpag pa rin si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagka-Presidente at si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-bise Presidente.

Nang dahil sa mistulang landslide victory para sa Uniteam nina Marcos at Duterte, kitang-kita ang pagkukumahog ng kanilang mga katunggali upang mapaliit man lang ang lamang ng mga frontrunners. Samu’t saring gimik at pakulo ng mga deperado at naghahabol na kandidato ang ating nakikita sa mga balita at social media. Nariyan pa rin ang “staple” nilang istratehiya na tila isinusuka na ng taumbayan—ang walang habas na paninira sa kapwa kandidato o ang tinatawag na “negative campaigning.”

Nasasaksihan din natin kung paano ginawang political billboard ang ilang kalabaw maisulong lang ang kanilang mga kandidatura. Naglulunsad na rin sila ng mga caravan sa gitna ng karagatan na tila nililigawan ang mga lamang-dagat upang suportahan ang kanilang mga kandidato. Dahil nga sa desperasyon ng mga nangungulelat sa mga survey, karamihan sa mga paandar nila ay maaring ituring na katawa-tawa na lamang.

Ngunit sa isang desperadong sitwasyon, hindi lamang mga katawa-tawang bagay ang maaring umusbong. Sa mga ganitong pagkakataon, lumalabas din ang mga pinaka-mapanganib at mapangahas na gawain. Sa mga taong puno ng galit at poot at humaharap sa tiyak na pagkatalo, lahat ng pamamaraan ay maari nilang gawin upang maipanalo lamang ang kanilang pambato.

Kasama na rito ang paghahasik ng kaguluhan at pandaraya sa araw ng halalan. At itong paandar na ito ang dapat mahigpit na bantayan ng sambayanan. Di tulad ng mga ibang mala-payaso nilang pakulo—itong panggugulo at pandaraya ay hindi dapat ginagawang biro at pinagtatawanan lamang.

Ang huling baraha nilang ito ay dapat mapigilan sapagkat ito ay lantarang pagyurak sa sagradong kagustuhan ng taumbayan. Ito ay maituturing na pinakamatinding kasalanan o krimen sa sambayanan sapagkat sa isang modernong sistemang republikano at demokratiko katulad ng Pilipinas, ang kapangyarihan ng pamahalaan at ng mga opisyal at kawani nito ay hinihiram lamang mula sa tunay na soberanya o pinakamataas na kapangyarihan—ang taumbayan.

Ito ay maliwanag na kinikilala ng atin mismong Saligang Batas. Batay sa Article II, Section 1 ng 1987 Consitution, “Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.”

Salin naman sa wikang Ingles, nakalahad na “The Philippines is a democratic and republican State. Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.” Ang konseptong ito ang natatanging dahilan kung bakit sa tuwi-tuwina, nagsasagawa tayo ng eleksiyon o halalan—upang maipahiram muli ng taumbayan sa mga hinirang na kinatawan ang kapangyarihan ng estado.

Ito rin ang dahilan kung bakit itinuturing na sagrado ang balota ng sinuman. Dahil ang pagboto ay hindi lamang isang karapatan ngunit ito ay isa ring obligasyon ng bawat mamamayan. Kaya’t dapat siguraduhin ng estado na magiging maayos, mapayapa at tapat ang proseso ng halalan sa Mayo 9.

Kamakailan, sadyang nakapapanatag na marinig ang pagtiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang mga masamang elemento na guluhin ang halalan.

Para naman sa ating mga karaniwang mamamayan, mahalaga rin ang magiging papel natin upang masiguro na malinis at tapat ang resulta ng halalan. Sa pamamagitan ng paglabas natin at pag-boto sa araw mismo ng halalan sa ika-9 ng Mayo, masisiguro natin na maririnig ang ating pasya bilang isang bansa.

Alam naman natin na ang pinakamabisang pang-kontra sa dayaan ay ang mataas na voter turnout. Muli, nais nating ipaalala na ang paglabas at pag-boto sa araw ng halalan ay hindi lamang lantay na karapatan natin ngunit isang obligasyon o responsibilidad din dahil tayo mismo bilang mamamayan ang soberanya sa ating bansang Pilipinas.

Ipaglaban natin ang ating karapatan at gampanan natin ang ating tungkulin—LUMABAS AT BUMOTO SA MAYO 9!

Pagkatapos nito, manatili tayong gising at maging mapagmatiyag hanggang matapos ang bilangan. Gawin natin itong lahat upang hindi na muling mabalahura ang pasya ng taumbayan sapagkat hindi naman kung anong bagay lang ang iginagawad natin sa araw na iyon—ito ay ang kapangyarihang pampamahalaan ng mamamayang Pilipino.