‘Pilay’ patay sa pamamaril sa QC

281 Views

NASAWI ang isang lalaki na may kapansanan matapos barilin ng kaibigan na sinundo pa niya sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng edad 30-40, katamtaman ang pangangatawan, putol ang kaliwang paa, at may peklat sa kanang kilay, nakasuot ng asul na shirt at itim na short.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 7:30 ng gabi, Mayo 10, nang maganap ang insidente sa harapan ng Ferndale Ville, Sampaguita St., Mayapa Village 3, Bgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Angel T. Pascasio III ng CIDU, umarkila umano ang biktima ng sasakyan na minamaneho ng testigong nakilalang “Andres”, at nagpasundo siya sa Cainta, Rizal upang magpahatid sa Luzon Avenue sa lungsod.

Pagdating sa nasabing lugar ay isinakay umano ng biktima ang ‘di kilalang lalaki na armado ng baril at saka inutusan si Andres na muling magmaneho at ihatid sila sa Ferndale Ville, Sampaguita St., Mayapa Village 3, Bgy. Pasong Tamo.

Pero nang makarating sa harapan ng Ferndale Ville ay tinutukan ng suspek ang biktima saka puwersahang kinuha ang cellphone nito at ng driver/witness na si Andres.

Pagbaba umano ng suspek sa sasakyan ay binaril pa nito ang biktima kaya naman mabilis na pinaandar ni Andres at humingi ng saklolo sa mga opisyal ng Bgy. Holy Spirit.

Agad na isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklara na itong dead on arrival bandang 8:17 ng gabi ng attending physician na si Dr. Karl Myron Duque sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa dibdib.

Ang bangkay ng biktima ay nasa morgue pa ng hospital at wala pang kapamilya na nagtutungo doon.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng krimen upang matukoy ang nakatakas na salarin.