Calendar
![Pacquiao](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Pacquiao.jpg)
Pilipinas maging susunod na Singapore
ILOILO CITY – ANG pangarap ng isa sa 12 pambato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) na si senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao – ang tinaguriang “Pambansang Kamao – ay maging susunod na Singapore ang Pilipinas sa larangan ng ekonomiya at sentro ng kaayusan sa darating na hinaharap.
Ito ang nilalaman ng maikli subalit malaman na mensahe ng dating eight-division world boxing champion at dating Senador kaugnay sa ginanap na political campaign rally ng labing-dalawang Senatorial candidate ng administrasyon sa nasabing lalawigan.
Inilatag ni Pacquiao ang kaniyang pangarap para sa Pilipinas kung saan nais nitong mag-iwan ng legacy o isang pamana hindi lamang sa larangan ng sports kundi sa pamamagitan ng pagpapa-angat sa buhay ng maraming mahihirap na Pilipino halaw sa naging transformation ng Singapore sa ilalim ng pamumuno ng dating leader nito na si Lee Kuan Yew.
Ayon kay Pacquiao, kagaya ng legacy na iniwan ni Lee Kuan Yew para sa Singapore. Ganito rin ang kaniyang pinapangarap para sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang maunlad na ekonomiya na magpapaunlad din sa kabuhayan ng bawat Pilipino.
“Kapag sinabi mong Singapore. Naaalala natin si Lee Kuan Yew dahil nag-iwan siya ng legasiya na nakatulong sa mga susunod na henerasyon. Iyan din ang gusto kong gawin para sa ating bansa,” mensahe ni Pacquiao sa campaign rally ng APBP sa Iloilo City.
Nauna rito, ipinahayag ng dating Senador at tinaguriang “the people’s champ” na sisikapin nitong isulong ang mga programa at proyekto na magpapa-angat sa nakalulunos na kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino.