Pimentel

Pimentel: Imbestigasyon ng Senado sa mga kaso vs Quiboloy walang politika

162 Views

IGINIIT ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na walang pamumulitika sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon sa televangelist na si Apollo Quiboloy at pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Sinuportahan din ni Pimentel ang inisyatiba ng kanyang kasama sa minorya na si Senator Risa Hontiveros sa isasagawa nitong imbestigasyon.

Ayon kay Pimentel ang layunin ng imbestigasyon ay matukoy kung kulang ang kasalukuyang batas at hindi pamumulitika gaya ng nais palabasin ng kampo ni Quiboloy.

“We will consistently bear in mind that the purpose of the legislation or the hearing is to aid legislation,” sabi ni Pimentel.

“Our focus will always be on laws addressing anti-violence against women, ensuring the proper treatment of minors, and combating human trafficking,” ayon pa sa senador.

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equity, na pinamumunuan ni Hontiveros sa Enero 23.

Nauna rito, naghain ng resolusyon si Hontiveros at hinimok ang Senadp na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga akusasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse laban kay Quiboloy at KOJC.

Ayon sa resolusyon, mayroong isang grupo ng mga kababaihan na tinatawag na “pastorals” na mayroong mataas na posisyon sa KOJC.

Ang mga miyembro ng pastorals umano ay nakatalaga para sa mga partikular na trabaho gaya ng paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, at pagmamasahe kay Quiboloy.

Ayon sa resolusyon, may mga minor de edad na miyembro ang pastorals na pinilit na magbigay ng serbisyong sekswal.

Sinabi ng kampo ni Quiboloy na ang isasagawang imbestigasyon ng Senado ay may motibong politikal.

Binatikos din ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros dahil trial by publicity umano ang itinutulak nito sa halip na maghain ng reklamo.

Naniniwala rin si Topacio na hindi ang Senado ang dapat na magsagawa ng imbestigasyon at iginiit ang pangangailangan na maging patas ang proseso.