Alvarez

Pimentel: Panawagan ni Alvarez sa AFP maituturing na rebelyon, sedisyon

146 Views

MAITUTURING umanong rebelyon o sedisyon ang ginawang panawagan ni dating Speaker at kasalukuyang Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang panawagan ni Alvarez ay nakadaragdag din sa kaguluhan at alitan sa panahong na maraming problema ang mga Pilipino na dapat tugunan ng pamahalaan.

“The remarks of the former speaker are uncalled for. That is tantamount to an act of sedition or rebellion,” ayon kay Pimentel.

Ang pahayag ni Alvarez, na kilalang malapit na kaibigan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay ginawa nito sa isang prayer rally ng mga tagasuporta ng dating pangulo noong Linggo sa Tagum City.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Alvarez na dapat nang talikuran ng AFP si Pangulong Marcos, upang hindi na lumala ang tensyon ng Pilipinas at China kaugnay ng isyu ng West Philippine Sea na bahagi ng exclusive economic zone (EZZ) ng Pilipinas.

“Now is not the time to be divisive when our country is trying to promote our country to be an investment haven to foreign investors. Instead, we should all unite and give our support to President Bongbong Marcos Jr. with his effort for economic reforms,” giit pa ni Pimentel.

Nauna rito ay nabunyag ang kontrobersyal na “gentleman’s agreement” ni Duterte sa China kung saan lilimitahan sa pagkain at inumin ang ipadadala sa mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Kasama umano sa usapan ang hindi pagpapadala ng mga materyales at kagamitan para maayos ang barko.

Naniniwala ang marami na ang umano’y pakikipagkasundong ito ni Duterte ay naglalagay sa kompromiso sa integridad at karapatan ng Pilipinas sa WPS.