Pimentel

Pimentel umapela ng agarang pagbubukas ng impeachment court vs VP Sara

19 Views

Hontiveros sumegunda

NANAWAGAN sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na agad magtipon ang Senado bilang impeachment court upang simulan na ang paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, mahigit apat na buwan matapos isumite ng Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryong sesyon ngayong Hunyo 9, iginiit ni Pimentel na tungkulin ng Senado na sundin ang isinasaad sa Article XI, Section 3 ng 1987 Konstitusyon: “The Constitution says, trial by the Senate shall forthwith proceed. There is no ‘if,’ no ‘unless,’ no ‘when convenient.’”

Ibinunyag din ni Pimentel ang pitong artikulo ng impeachment na nakasaad sa dokumento, kabilang ang: sabwatan sa planong asasinasyon laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan; maling paggamit ng confidential funds; panunuhol; hindi maipaliwanag na yaman; at mga hakbang para pabagsakin ang pamahalaan, na maituturing na sedisyon at matitinding krimen. “These allegations are serious,” aniya. “They demand nothing less than a prompt and faithful discharge of our constitutional duties.”

Hinimok niya ang Senado na gawin ang mga sumusunod: magtipon bilang impeachment court; manumpa si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer; manumpa ang lahat ng senador bilang mga hukom; maglabas ng writ of summons laban kay VP Duterte; at payagan ang House prosecutors na iharap ang Articles of Impeachment kinabukasan, Hunyo 10, alas-dos ng hapon.

Pormal na pinangalawahan ni Senadora Risa Hontiveros ang naturang mosyon. “Let’s not pretend an hour is too much to ask,” aniya, sabay turo na handa na ang ceremonial robes at ang session hall.

“Hindi naman mahirap at matagal ang panunumpa at pagbabasa ng Articles of Impeachment, diba? Gawa na ang robes, at ready na ang session hall. Hindi iyan aabutin ng isang oras.”dagdag pa nito.

Sa isang naunang press briefing, binatikos ni Hontiveros ang umano’y pag-iwas ng ilang senador sa isang malinaw na obligasyong konstitusyonal: “Hindi dapat tayo ang maging unang Senado na bumalewala sa Konstitusyon at sa panawagan ng taumbayan,” babala niya. “History would judge us even more harshly.”

Binigyang-diin din nina Pimentel at Hontiveros ang lumalawak na suporta mula sa publiko at mga institusyong legal gaya ng UP College of Law, Philippine Bar Association, at maging mula sa mga dating tagapagbalangkas ng Konstitusyon tulad ni dating Justice Adolfo Azcuna at maging sina Atty. Rene Sarmiento, Atty. Christian Monsod at si Ret. Justice Antonio Carpio na nagkakaisang sinabi na labag sa Konstitusyon ang pagkakabinbin nito.

Binatikos ni Pimentel ang posisyon ng pamunuan ng Senado na maaaring piliin kung kailan tatanggapin ang impeachment case: “The people have a right to worry. This is no longer just about the accused; it is about whether the Senate can be trusted to do its job,” giit niya.

Pinabulaanan din niya ang naunang pahayag ni Senate President Escudero na hindi maaaring magsagawa ng impeachment trial kung hindi regular ang sesyon ng Senado.

Ipinaliwanag ni Pimentel na ang impeachment ay isang tungkuling non-legislative, at idinetalye ang mga desisyon ng Korte Suprema na nagbibigay kapangyarihan sa Senado na kumilos nang nakapag-iisa sa ganitong usapin dahil ang.impeachment na proseso aniya ay higit pa sa lehislaturang trabaho sapagkat ito ay espesyal na kautusan ng Konstitusyon mismo.

Sa harap ng nalalabing tatlong session days ng ika-19 na Kongreso, muling iginiit ng dalawang senador ang pangangailangan ng agarang aksyon. “Time to move—and not a moment more to lose,” ani Hontiveros.