Dionisio

Pinahusay lang ni PBBM: Ayuda programs, matagal nang umiiral sa mga nakalipas na administrasyon

11 Views

MATAGAL nang namimigay ng ayuda sa ilalim ng iba’t ibang social welfare programs ang gobyerno at pinaganda lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagpapatupad nito upang mas marami ang makinabang.

Ito ang binigyan diin ng mga pinuno ng Kamara makaraan na ring lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS), na nagpapakita na 90 porsiyento ng mga Filipino ang naniniwalang kapaki-pakinabang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ilan pang programa, kung saan 66 porsiyento naman ang nagsabing ‘malaking tulong’, at 24 porsyento naman ang nagsabing ‘medyo nakakatulong.’

Punto pa ni Manila Rep. Ernix Dionisio Jr. na bagama’t matagal nang umiiral ang mga ayuda program, ngunit mayroong mga kritiko ang ngayon lamang ito binabatikos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Ang ayuda kasi hindi naman … nakakalungkot na minsan dine-demonize ‘yung ayuda. Sa totoo lang ang ayuda ‘di lang naman ngayong admin ‘yan. It’s been happening for the longest time,” paliwanag ni Dionisio.

Ipinagtataka ni Dionisio kung bakit ngayon lamang pinupuna ang mga ayuda program, at hindi sa mga nakalipas na administrayon na may kaparehong programa ipinatupad.

“Bakit noon pwede but ngayon masama? Bakit ‘pag sa kanila pwede, bakit pag sa iba bawal, masama?” tanong ng kongresista.

Iginiit pa ng kongresista ang malaking epekto ng tulong ng pamahalaan, lalo na sa mga mahihirap.

“Yung simpleng maliit na ayuda, iisipin natin, sinasabi ng iba dine-demonize sila na wala naman ‘yan, pang isang araw lang. No. Yung pang isang araw na ‘yun, hindi mo alam kung gaano kalaking epekto sa mahirap na tao that could save their lives,” wika nito.

Dagdag pa ni Dionisio na ang ganitong uri ng ayuda ay maaaring makatulong sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang paraan, kabilang na ang pagsuporta sa maliliit na negosyo.

“Yung iba nga kapit sa patalim, umuutang sa may payong at nakamotor ‘yung mga bombay. Sa totoo lang, ‘yun yung medyo nagagahasa ang mga kababayan natin,” saad nito.

Nagpapasalamat naman ang mambabatas kay Pangulong Marcos sa pagpapalawak ng programa, upang mas maraming Filipino ang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

“Ang kaibahan lang ngayon kay Pangulong Bongbong Marcos mas pinarami, mas pinaigting at mas maraming naaabot na direkta,” he emphasized.

Hinimok din ni Dionisio ang mga kritiko na ituon ang pansin sa mga benepisyo ng ayuda sa halip na gawin itong isyung pampulitika.

“Yung ba masama o yun mas nakakabuti para sa mga Pilipino?” diin pa nito.

Ipinunto ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V na ang mga inisyatibang ito ay maingat na pinlano at hindi basta-bastang ipinatupad.

“Kaya nga po nagawa ‘yang mga programa na ‘yan, hindi naman po ginawa ‘yan kahapon lang. Pinag-isipan po ‘yan not only ‘nung binabalangkas at saka ginagawa ‘yung batas,” ayon pa sa kongresista.

Giit pa Ortega na ang malaking pagpabor ng publiko ay katunayan na epektibo ang mga programa.

“Yung ating mga ayuda, not only po ‘dun sa mga sectors na very vulnerable pero nabigyan nga po natin ng tulong yung mga kapos ang kinikita,” dagdag pa nito.

Kapwa naniniwala ang dalawang mambabatas na ang mga ayuda ay nagsisilbing mahalagang tulong sa mga Pilipinong nangangailangan at hindi dapat gamitin sa pamumulitika para lumikha ng pagkawatak-watak.