Gatchalian

Pinaigting na pagtugis sa online sexual abuse ng mga bata isinusulong

18 Views

BUNGA ng patong patong na problema sa online sexual abuse at exploitation, itinulak ni Sen. Sherwin Gatchalian Ang mas pinaigting na pagtugis sa mga nasa likod nito.

Sa paggunita ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, nanawagan si Gatchalian para sa patuloy at mas matinding operasyon sa paglaban sa mga online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Nauna nang naghain si Gatchalian ng isang resolusyon na humihiling ng pagsisiyasat sa paglaganap ng OSAEC. Sa paghahain nito, binigyang-diin ng senador ang pangangailangan na palakasin ang umiiral na mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang online na kapaligiran para sa mga bata at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.

Iginiit ng senador ang kahalagahan ng epektibong child protection systems upang matugunan ang pagrereport, pagtugon, pag-uusig, at rehabilitasyon ng mga batang biktima ng OSAEC at Commercial Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensyang nagpapatupad ng batas, at mga non-government organizations sa pamamagitan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). Layunin nito na matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga batas at programa laban sa OSAEC.

Ayon sa Scale of Harm report ng International Justice Mission noong 2022, halos kalahating milyong batang Pilipino ang naitalang naging biktima ng online trafficking sa pamamagitan ng live streaming.

Naitala rin ng Anti-Money Laundering Council ang P1.56 bilyon na kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa OSAEC, na nagresulta sa 182,729 suspicious transaction reports mula 2020 hanggang 2022. Sa 17,600 kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata noong 2023, malaking bahagi nito ay mga kaso ng online sexual abuse at exploitation.

Muling iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pinalakas na pandaigdigang kooperasyon upang mapabuti ang data sharing at cross-border prosecution, mapanagot ang mga digital platform at social media companies sa pagtuklas at pagtanggal ng mga mapaminsalang nilalaman, at mapataas ang kamalayan ng publiko sa panganib ng OSAEC.

Noong 2023, iniulat ng iba’t ibang telecommunications companies ang pag-block sa 902,000 URLs at websites na naglalaman ng child sexual abuse at exploitation materials.

Si Gatchalian ay co-author at co-sponsor ng Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act (Republic Act No. 11930) at ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.