Khonghun House Assistant Majority Leader Jay Khonghun

Pinakalat sa socmed na haharap Duterte sa Quad Comm ‘propaganda’ lang

53 Views

ISA lamang umanong propaganda ang ipinakalat sa social media na dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes sa Miyerkoles kaugnay ng libu-libong nasawi sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.

Ayon sa mga lider ng Quad Comm walang pasabi ang kampo ni Duterte na dadalo ito sa pagdinig sa Miyerkoles bago nagdesisyon na kanselahin ito upang magkaroon ng sapat na oras upang mapaghandaan ang mga magbibigay ng testimonya.

Kung totoo umano na nais na ni Duterte na dumalo sa pagdinig, sinabi ng overall chairman ng Quad Comm na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na maaari itong pumunta sa pagdinig sa Nobyembre 21.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, “Kung wala naman talagang direct statement ang ating former President na darating siya (bukas), tingin namin propaganda lang ‘yung lumalabas sa internet, sa social media, na darating siya.”

“Talagang propaganda lang ginagawa nila, lalong-lalo na pag sinasabi nilang pag-attend sa committee hearing ng Quad Comm, talagang nabubudul-budul ang ating mga mamamayan regarding sa kung ano ang kanilang sinasabing statement,” sabi nito.

Ayon kay Barbers naging pinal ang desisyon na kanselahan ang pagdinig sa Nobyembre 13 noong Lunes at pinasabihan umano ang mga nauna ng padalhan ng imbitasyon kasama na ang abugado ni Duterte na si Martin Delgra.

Sinabi ni Barbers na hindi nagpasabi ang kampo ni Duterte sa Quad Committee na sila ay pupunta bago pa ang naging kanselasyon ng pagdinig at sa social media lamang nila nalaman na pupunta daw ang dating Pangulo.

“Wala po kaming natatanggap hanggang sa ngayon. Ang nakikita lang namain ‘yun mga vloggers. So, hindi ho namin pinakikinggan ‘yung mga vloggers. Wala naman hong sinabing tama ‘yan,” sabi ni Barbers.

“Of course we appreciate kung pupunta ang ating dating pangulo dahil ‘yan ang request ng ating kasamahan sa Quad Comm na magkaroon ng talakayan, magkaroon ng palitan ng idea tungkol sa usapin sa EJK (extrajudicial killing) at usapin sa drugs kung saan ay centerpiece ng kampanya ng ating dating administration,” sabi ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na itutuloy pa rin ang pagdinig at iniimbitahan pa rin si Duterte taliwas sa pinapakalat sa social media na naduwag ang komite.

“Wala pong naduduwag dito. Ganito ho, para ho malinaw, sa Nov. 21 meron kaming hearing. Yan ho, punta ho tayo dito. Pagkatapos ng 21, let us know kung kailan kayo pwede because we will schedule another Quad Comm hearing on the date convenient for you, on the date na gusto niyo, para mailatag natin ng maayos ang ating invitation,” dagdag pa ni Barbers.

Ayon naman sa co-chairman ng Quad Comm na si Rep. Dan Fernandez kung tinatanggap ang imbitasyon ay maaari itong ipa-alam sa komite.

“Huwag po sa social media…kasi ‘pag social media, you can always deny it. Pwede kang hindi pumunta tapos sabihin eh hindi naman formal yan. But of course kapag ginawa po nating official ang lahat, then resibo po yan. So I hope prior to Nov. 21 hearing, somebody or the lawyer of the former President will write the committee for his attendance,” sabi ni Fernandez.

“Sa tingin ko, sinadya yon…’yun yung style nila to make it appear na tayo yung umaatras sa ganitong klaseng invitation, whereas we’ve been asking him for so many hearings already. If I’m not mistaken, doon pa lang sa committee ng EJK ng human rights, months ago pa yan, in-invite na po ni Chairman (Bienvenido) Abante and they declined,” dagdag pa nito.

Muli namang iginiit ni Abante na handa ang komite na sagutin ang pamasahe ni Duterte sa eruplano para makapunta sa pagdinig.

“We’re willing to chip-in kung talagang kinakailangan…kami naman, we would like the people to know that we have high respect for the former President, and we really want to hear his side of the issue. Kahit na po maraming siyang nasabi sa Senado, it’s up to him actually, it’s up to him. Hindi naman niya sinabi personally na pupunta siya, it was actually his lawyer who said it. So, it’s up to him. If he’d like to come, very much welcome siya,” sabi ni Abante.

Nanawagan naman si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez kay Duterte na dumalo sa pagdinig sa Nobyembre 21.

“So ‘pag sinasabi po nila na they have nothing more to say, I think kami po sa komite ay maraming katanungan. So, we hope that they do reconsider. When he appeared before the Senate and he made those pronouncements, I think it left more questions than answers. So…take the invitation and answer the questions of our members,” ani Gutierrez.