Cebu LET’S DRINK TO THAT–Pinangunahan ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco ang “Taste Cebu,” ang Food and Wine Festival na nagtatampok ng 15 tasting stations na masusing na-curate para ipakita ang pinakamasarap na lokal na ani at mga culinary treasure ng Cebu na ginagabayan ng tatlong cook na sina Davin Thien, Lisa Revilla Thien at Sau Del Rosario.

Pinakamahusay sa pagluluto nagsama-sama sa isang buwang Cebu Food and Wine Festival

Jon-jon Reyes Jun 4, 2024
161 Views

NAGSIMULA na ang isang buwang Cebu Food and Wine Festival, isang culinary event na pinagsama-sama ang mga pinakamahusay sa pagluluto sa Cebu, noong Hunyo 1.

Pinangunahan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang event bilang panauhing pandangal sa pagbubukas nito sa Fili Hotel, NUSTAR Casino and Resort sa Cebu City.

“Natutuwa akong makasama kayong lahat ngayong gabi sa Cebu Food and Wine Festival.

Markahan natin ang milestone na ito sa aming pagtutulungang pagsisikap na itaas ang Cebu at Pilipinas bilang pangunahing destinasyon para sa mga mahilig sa pagkain at alak sa buong mundo,” saad niya.

“Pagdiriwang ang Taste Cebu: Food and Wine Festival 2024 ng kahusayan sa pagluluto,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Secretary Frasco na naaayon ang event sa gastronomy framework ng DOT at sa inaprubahang National Tourism Development Plan (NTDP) 2023 hanggang 2028 sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Pinamagatang “Taste Cebu” ang Food and Wine Festival ngayong taon at nagtatampok ng 15 tasting stations na masusing na-curate para ipakita ang pinakamasarap na lokal na ani at mga culinary treasures ng Cebu na ginagabayan ng tatlong award winning chef na sina Davin Thien, Lisa Revilla Thien at Sau Del Rosario.

Nagtatampok din ito ng degustation menu mula sa Executive Chef ng NUSTAR na si Martin Rebolledo Jr., Executive Pastry Chef Rolando Macatangay, Sous Chef Randell Mark Jugalbot at Chef de Cuisine Lloyd Rommell Cabalhin.

Ayon kay Chef Kate Dychangco-Anzani, founder at chairperson ng Cebu Food and Wine Festival, maglalakbay sa 18 lokasyon sa buong bansa ang festival.

Samantala, idaraos ang 36th Joint Meeting ng UN Tourism Commission for East Asia and the Pacific sa Hunyo 26-28, 2024.