BBM

Pinakamalaki sa kasaysayan: P13B shabu nasabat ng walang dumanak na dugo

165 Views

MAHIGIT dalawang tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P13.3 bilyon ang naharang noong Abril 15 ng pulisya sa isang checkpoint sa Barangay Pinagkrusan, Alitagtag, Batangas.

Ito ang pinakamalaking halaga ng shabu na nasabat ng otoridad ng walang dumadanak na dugo o namamatay, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“This is the biggest shipment of shabu na nahuli natin, but not one person died. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t in-operate natin nang dahan-dahan, ‘yun naman dapat ang approach,” sabi ni Pangulong Marcos.

Binigyan-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na irespeto ang karapatang pantao kahit na sa operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang naharang na ipinagbabawal na gamot ay galing sa labas ng bansa.

“Para sa akin, ‘yun dapat ang approach sa drug war na ang pinaka-importante is matigil natin ang pag-ship ng mga drugs dito sa pagpasok sa Pilipinas. Pero the one thing that’s clear, pinasok ito, hindi ito galing dito sa Pilipinas,” dagdag pa nito.

Ayon kay P/Major De Luna nagsasagawa ng regular na checkpoint ang pulisya sa Barangay Pinagkrusan noong Abril 15 nang dumaan ang kahina-hinalang passenger van.

“Mayroon po kaming regular checkpoint na isinasagawa dito sa Bayan ng Alitagtag, as part of the intensified crime prevention. So, part of it, pina-flag down po namin ang mga sasakyan,” ani P/Major De Luna.

“Kung mayroong suspicious, sina-subject po namin for inspection po. Kagaya po ng nangyari dito sa pangyayaring ito, ‘yun po ang naging resulta, nasabat po namin ang ganitong kalaking halaga po ng shabu po,” pagpapatuloy ng opisyal ng pulisya.

Ang drayber ng sasakyan ay inaresto at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Sadyang hindi muna pinangalanan ang suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Iginiit ni Pangulong Marcos na seryoso ang kanyang administrasyon sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot at tiniyak na hahabulin ng gobyerno ang mga sindikato ng iligal na droga kahit pa konektado ito sa pamahalaan o mga politiko.

Binigyan-diin ng Pangulo na walang puwang sa administrasyon ang iligal na droga.

“Patuloy talaga, marami talaga tayong nahuhuli. This is the approach that we are taking to drug war. Ang ating ginagawa, we take apart, binabaklas natin ‘yung mga sindikato, kahit sinuman ang nakita natin may kasabwat, may kasabwat dito sa drug trade kahit sinuman,” sabi pa ng Pangulo.

“Kahit pulitiko na powerful, o pulis o kung sinuman ay talagang iniimbestigahan natin kaya’t nagkaroon ng ganitong klaseng mga operation at nakahuli tayo ng kalakilaki na 1.8 tons,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.

Inamin naman ni Pangulong Marcos na walang “silver bullet” para lutasin ang problema subalit tiniyak na magpapatuloy ang operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.

Palalawigin din umano ang operasyon laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Interpol at intelligence at drug agency ng iba’t ibang bansa kasama na ang mga nasa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa pagpapatuloy umano ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot, sinabi ng Pangulo na titiyakin ng administrasyon na gagawin ang mga operasyon ng naaayon sa batas.

“There’s no other solution but to keep doing this,” dagdag pa ng Pangulo.

Wala rin umanong nakikitang rason si Pangulong Marcos kung bakit kailangang baguhin ang ginagamit na taktika ng otoridad lalo at may mga patunay na nagtatagumpay ito.

“It’s the most successful approach to the drug war, so far. So, why change it? We won’t change it; we’ll continue to do what we are doing … and the reason I think is that so far we’ve been able to see such a big amount of generally shabu or methamphetamine,” wika pa ng Pangulo. “So, we’ll keep going, we just keep doing what we’re doing.”

Batay sa rekord, ang nahuli sa Alitagtag, Batangas ang pinakamalaking halaga ng shabu na nasabat ng mga otoridad. Tinalo nito ang 1,589 teabag ng shabu na nagkakahalaga P11 bilyon at nasabat sa Infanta, Quezon noong Marso 2022.

Mula ng pumasok ang administrasyong Marcos noong Hulyo 2022 hanggang noong Disyembre 2023 ay nakapagsagawa na ng 36,803 operasyon ang otoridad laban sa iligal na droga kung saan 49,700 ang naaresto at sa bilang na ito ay 3,284 ang ikinokonsiderang high value targets.