soccer Ma-aksyong labanan ng Pilipinas at Timor-Leste sa AFF.

Pinas, Timor-Leste, nag tabla sa AFF

Theodore Jurado Feb 16, 2022
282 Views

SUMANDAL ang Philippines kay Ivan Ouano upang isalba ang 2-2 draw laban sa Timor-Leste sa umpisa ng AFF Under-23 Championship nitong Lunes sa Phnom Penh, Cambodia.
Isang produkto ng National University, umiskor ng dalawang goals si Ouano kung saan napalaban ang mga Young Azkals sa mga Timorese bago makihati ng puntos sa kanilang katunggali sa Group A.

“We know the quality of Timor-Leste as they have been together for three months as compared to the three weeks that we had,” sabi ni coach Stewart Hall ukol sa mahirap na paghahanda ng Philippines sa torneo dahil sa mga quarantine restrictions.

Kinailangan lamang ng Timorese na buksan ang scoring sa unang limang minuto sa pamamagitan ng penalty ni Mouzinho Barreto De Lima nang tumabla ang Young Azkals bago ang halftime sa pamamagitan ng magandang pagtatapos ni Ouano.

Ibinalik ng Timor-Leste ang kalamangan sa 56th minute sa pamamagitan ni Jaimito Soares nang maisalpak ni Ouano ang equalizer para sa Philippines matapos ang anim na minuto.

Habang nanghinayang ang mga Timorese sa naging resulta, nakahinga naman ng maluwag si Hall.

“The boys fought with great character to come back from two goals down. Timor-Leste gave us some problems tonight and Cambodia will give us different problems in our next game,” sabi ni Hall.

Dahil sa draw, walang ibang daan ang mga Young Azkals kundi ang makakuha ng mahalagang panalo laban sa mga Cambodians sa alas-8 ng gabi (Manila time) sa Huwebes.

Naging mainit ang simula ng Cambodia sa kanilang kampanya sa Group A makaraan ang 6-0 pagdurog sa Brunei para sa kanilang unang tatlong puntos sa harapan ng 25,000 nagsisigawang mga fans sa Morodok Techo National Stadium.

Ang tatlong group winners kasama ng best runner-up ay siyang uusad sa semifinals.