Senadora Risa Hontiveros

Pinay trafficking gang na sa PH may bagong anyo, iimbestigahan

66 Views

ALARMADO, agaran na nag-file si Senadora Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihikayat sa Senado na imbestigahan ang nakakabahalang mga kaso ng trafficking ng mga Pilipinang babae sa ibang bansa upang magsilbing surrogate mothers sa isang internasyonal na sindikato ng infant-trafficking.

Ang resolusyon, na kamakailan lang inihain, ay nag-uutos sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na magsagawa ng isang pagsisiyasat sa nakakaalarmang pangyayaring ito, na may layuning palakasin ang mga batas at hakbang sa pagpapatupad upang labanan ang ganitong uri ng trafficking na sumasamantala sa ating mga kababaihan.

Ang imbestigasyon ay tugon sa pagkakatuklas na 20 Pilipinang babae ang na-traffick papuntang Cambodia, kung saan 13 sa kanila ang nabuntis sa pamamagitan ng artificial means, na diumano’y bahagi ng isang baby-selling operation na malaking sindikato nasa likod nito.

Niligtas ng pulisya ng Cambodia ang mga babae, ngunit marami sa kanila ay nahaharap ngayon sa mga kasong may kinalaman sa human trafficking. Ang natitirang pitong babae naman ay na-deport matapos kilalaning mga immigration offenders.

Sa resolusyon, binigyang-diin ni Hontiveros na ang ganitong mga trafficking scheme ay gumagamit ng kababaihan sa ilalim ng pekeng pangakong lehitimong trabaho sa ibang bansa. Binanggit niya ang Republic Act No. 10364, ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, na nagsasabing, “It shall be unlawful for any person…to recruit a person under the guise of domestic or overseas employment or training, for the purpose of prostitution, pornography, or sexual exploitation.”

Binigyang-pansin din ni Hontiveros ang kagyat na pangangailangan na imbestigahan ang sindikatong ito, lalo na’t lumalawak ang internasyonal na dimensyon ng krimen.

Kanyang tinukoy ang ulat ng UN Special Rapporteur’s Report on Surrogacy and the Sale of Children, na nagsasaad na ang internasyonal na kalakalan sa surrogacy ay lalong tumitindi at pinagsasamantalahan ang maraming inosente.

“International commercial surrogacy networks move across different countries as laws on surrogacy change ‘in response to abusive practices,’ to ensure the continuation of their businesses,” paliwanag ni Hontiveros.

Naglabas na rin ang Department of Foreign Affairs ng mga babala sa publiko ukol sa bagong anyo ng human trafficking na ito, na ang target ay mga Pilipinang babae. Ang outbound trafficking ng 20 babae ay diumano’y pinadala ng isang ahensiya dito sa Pilipinas, na lalong nagbigay ng mga alalahanin tungkol sa “lapses in law enforcement” na kailangang aksyunan ng gobyerno na nalulusutan ng mga sindikato.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros ang pangangailangang imbestigahan ang ganitong mga gawain ng trafficking at amyendahan ang umiiral na mga batas upang tugunan ang reproductive labor at surrogacy.

Giit ng senadora, “An investigation is crucial to identify gaps in current legislation, including but not limited to reproductive labor and Republic Act No. 10364…to prevent the proliferation of this new form of human trafficking scheme in the country.”

Ang resolusyon ay nagpapatibay din sa pangangailangang papanagutin ang mga responsable sa trafficking ng mga babaeng ito at tiyakin ang mas maayos na proteksyon para sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa. “The Philippine agency responsible for facilitating the trafficking must be identified and prosecuted,” ayon sa resolusyon.

Inaasahang tututok ang imbestigasyon ng Senado sa pagpapalakas ng mga batas laban sa trafficking at pagtukoy ng mga posibleng amyenda sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act upang masaklaw ang mga bagong anyo ng trafficking, gaya ng mga scheme na may kinalaman sa surrogacy.

Ipinahayag ni Hontiveros ang kumpiyansa na ang imbestigasyon ay magbibigay-linaw sa kung papaano ang galawan ng mga sindikato ng trafficking at makakatulong na maiwasan ang mga susunod pang kaso.

Ang resolusyon ay nananawagan para sa hustisya para sa mga biktima at mas mahigpit na hakbang upang protektahan ang mga kababaihan mula sa pagsasamantala. “We cannot allow the trafficking of our women and children to continue unchecked,” giit ni Hontiveros.

“It is our duty to ensure that justice is served and that stronger protections are put in place to prevent these heinous crimes,” pagtatapos ni Hontiveros.