Calendar
Piñol: ‘Wag pasilaw sa entertainment politics
HUWAG mabulag sa kung anu-anong pakulo ng ibang kandidato.
Ito ang panawagan ng senatorial bet ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na si dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol sa mga Pilipino na boboto muli ng mga bagong opisyal ng gobyerno ngayong Halalan 2022.
Inihayag ito ni Piñol sa harap ng libu-libong tagasuporta ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na nagsama-sama nitong Sabado (Abril 9) sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Tinutukoy ni Piñol ang ‘entertainment politics’ bilang istilo ng pangangampanya ng ibang kandidato na sa halip na ibigay ang kanilang mga plataporma ay kinukuha ang atensyon ng publiko sa pamamagitan ng pagsayaw o pagkanta na aniya’y hindi naman solusyon sa pang-araw-araw na problema.
“Kalimutan muna natin ‘yung mga sayawan, kalimutan muna natin ‘yung mga kantahan, kalimutan muna natin ‘yung mga nakakasilaw na ilaw at liwanagin natin ang ating isipan: sino ang dapat mamuno sa ating bansa sa puntong ito na pinaka-critical sa kasaysayan ng ating bansa?” apela ni Piñol.
Ipinakilala rin ng dating gobernador ng Cotabato sa harap ng mga dumalong tagasuporta, ang miyembro ng Team Lacson-Sotto, bilang bagong hanay ng mga lingkod-bayan na nangangampanya tangan ang mga solusyon sa mga isyu ng bansa, simula pa ng unang araw ng panahon ng kampanya para sa Halalan 2022.
“Tonight, my dear friends, these people in front of you offer very clear directions in governance that could lead our country from this most difficult time in the history of our nation to a period of prosperity, progress, peace and a governance free of corruption,” pahayag ni Piñol.
“Mga kaibigan, marami kayong narinig sa kabilang partido, pero hindi kami nakisawsaw. Hindi po kami sumama doon sa hiyawan, sigawan, murahan… Sapagkat ang gusto naming maintindihan ninyo (ay) ang totoong problema ng ating bayan at ang mga taong magbibigay-solusyon sa mga problemang ito,” dagdag niya.
Naging tatak na sa kampanya ng Lacson-Sotto na dinadaluhan ni Piñol, ang pagsasagawa ng mga town hall meeting kasama ng iba’t ibang organisasyon. Dito malayang naihahayag ng mga kinatawan ng bawat grupo ang mga problema na kanilang kinakaharap at nagbibigay din sila ng ilang posibleng solusyon.
Ang pagtitipon sa Quezon City kasabay ng pagdiriwang ng ‘Araw ng Kagitingan’ pansamantalang tinigil muna ang malalimang diskusyon sa pagtalakay sa mga problema ng lipunan para ipagdiwang ang ‘Pure Love’ rally handog ng mga tapat na tagapagtaguyod ng Lacson-Sotto Support Group para sa kampanya ng tambalang Lacson-Sotto.
Sa Pandesal Forum na ginanap sa Kamuning, Quezon City nito ring Sabado, sinabi nina Lacson at Sotto na hindi mawawala sa plano nila ang pagsasagawa pa ng mga town hall meeting hanggang sa huling panahon ng kampanya dahil naniniwala anila sila na mas magkakaroon sila ng koneksyon sa publiko sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo.
“Kami laging dialogue e. Pero, in the course of our open dialogue, ‘yung open forum, lumalakas, tumatapang ang loob kasi nga nakikita nila na nakikinig kami and pinapakinggan namin ‘yung kanilang sinasabi at may offer kaming solusyon kaagad,” sabi ni Lacson.
Binanggit ni Lacson ang mga pagkakataon sa kanilang mga public forum kung saan naaksyunan niya agad ang suliranin ng ilang indibidwal, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan para maresolba ang kanilang problema.