sporets Naging panauhin ang mga PSL officials na sina President Rocky Chan, Commissioner Marc Pingris at Vice President Ray Alao sa “Sports On Air” program kamakailan.

Pinoy Sakuragi handa sa bagong laban

Ed Andaya Feb 18, 2022
439 Views

HINDI uurong sa kanyang bagong laban ang newly-appointed Pilipinas Super League (PSL).commissioner na si Marc Pingris.

Sa katotohanan, handang itaya ni Pingris, na mas lalong kilala sa tawag na “Pinoy Sakuragi”, ang kanyang pangalan at reputasyon para magawa ang kanyang tungkulin bilang bagong PSL commissioner at mapanatili ang integridad ng larong basketball.

“Bagong hamon itong pagiging PSL commissioner sa akin. Pero gaya nung naglalaro pa ako, syempre gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para hindi ako mapahiya, lalo sa mga taong nagtitiwala sa akin,” pahayag ni Pingris sa fifth “Sports On Air” via Zoom nung Feb. 11.

“Dito sa PSL, malaki ang responsibilidad na kailangan kong gampanan. Unang-una yung matiyak na mas madaming kabatan ang mabigyan namin ng pagkakataon na makalaro,” sabi pa ni Pingris sa panayam sa six-man panel na binubuo ng veteran sports journalists at bloggers.

“Sa totoo lang, hindi ako nag-dalawang isip na tanggapin itong responsibilidad bilang commissioner. Kasi pinagu-usapan namin ang mga kabataan. Talagang natuwa ako para sa kanila dahil nag-start din ako sa ibaba bilang isang batang palengke na nakapaglaro sa PBA. Sa PSL, tutulungan natin magkaroon ng pagkakataon ang mga kabataan, lalo na mga taga Visayas at Mindanao na makapaglaro,” dagdag pa ni Pingris.

“Gusto namin sa PSL, makapaglaro din sila ng basketball sa mga eskwelahan dito at sa PBA, pati sa Gilas.”

Gayunman, inamin ni Pingris ang mga challenges na kinakaharap niya at ng PSL.

“Yung integrity ng liga, pinaka- importante yun. Kaya ngayon pa lang ay kinakausap na namin nila PSL president Rocky Chan at vice-president Ray Alao ang mga team owners, coaches at players.

Pati na mga referees. Gusto namin maayos yun liga. Wag gaya nangyari sa iba na medyo naba-baboy na,” paliwanag ni Pingris, na umaming kumukunsulta sa mga past at present commissioners.

“Tutukuyin ko na, yun sinasabing mga players na nagbebenta ng laro, hindi pwede dito yan sa PSL. Kailangan may parusa or suspensyon agad. Kung kinakailangan P100,000 or P200,000. Ayaw ko ng maliit, gusto ko malaki agad.

Pag ayaw pa tumigil, ipakukulong talaga namin.”

“May i-open ako dito sa inyo. Nung naglalaro ako sa PBA, may tumawag sa akin na talagang nag-offer sa akin P200,000 to P240,000 para one game lang, Ganun kalaki. Pero ayaw ko ganyan na ipapakain ko sa asawa ko at anak ko, galing dyan. ibibigay kong pera sa nanay ko galing sa masama Masaya na ako sa sweldo ko.”

Si Pingris, na pormal na nag-retiro nun nakalipas na Disyembre, ay magbibigay din ng sapat na pansin sa officiating

“Actually, kinausap na din namin mga referees. Kailangang bantayan din mga yan dahil minsan kapag hindi nakuha sa players, idadaan sa referees. Kaya suportahan din namin mga referees namin para hindi sila masilaw sa mga ganyan. Kahit paano, bigyan ko din sila ng regalo kapag maganda ang performance. Yun mga team owners at coaches na nang-bu- bully ng mga referees, hindi din pwede sa PSL. Sabi ko bigyan agad ng warning or itapon sa game.”