Pintor

Pintor nakalawit sa pagbebenta ng endangered na ibon

Edd Reyes Jun 6, 2025
18 Views

KALABOSO ang inabot ng 35-anyos na pintor matapos madakip sa entrapment habang nagbebenta ng ibong endangered na noong Biyernes sa Malabon City.

Kinalawit ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan si alyas John Carlo nang tanggapin ang P15,000 na markadong salapi bilang bayad sa biniling Brahminy Kite o lawin, isa sa mga endangered bird species sa Pilipinas.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, ikinasa ang entrapment bago mag ala-1:00 ng madaling araw sa Hiwas St. sa harap ng barangay hall ng Brgy. Longos.

Nakipagtransaksyon sa pulis na nagpanggap na buyer ang suspek sa kanyang FB account na gamit sa pagbebenta ng Brahminy Kite.

Nabawi nina P/Capt. Lalaine Almosa, Acting Sub-Station-5 Commander, sa suspek ang markadong salapi at P14,500 boodle money at ang dalawang lawin na ibinenta sa police poseur-buyer.

Kakasuhan ng paglabag sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) ang suspek sa Malabon City Prosecutor’ Office.