chess

Pirates namamayagpag sa PCAP

Ed Andaya Mar 2, 2022
497 Views

TULOY ang pamamayagpag ng Pasig Pirates.

Sa pangunguna nina GM Mark Paragua at Sherily Cua, pinabagsak ng Pasig ang mahigpit na karibal na Iloilo Kisela Knights, 14-7, sa hitik sa aksyong 2022 Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All-Filipino Conference.

Namayani sina Paragua, Cua, Kevin Arquero at Eric Labog, Jr. sa kani-kanilang enkuwentro sa blitz at rapid matches upang lalo pang paigtingin ang kanilang tsansa sa kumpetisyon na itinataguyod ng San Miguel Corporation at Ayala Land.

Itinumba ni Paragua si NM Cesar Mariano, winalis ni Cua si WFM Cherry Ann Mejia,. ginapi ni Arquero si NM Fritz Bryan Porras at winasiwas ni Labog si NM Rolly Parondo, Jr. — lahat sa 3-0 scores — para pangunahan ang Pasig..

Hawak pa din ng Pirates, na nanalo na laban sa mga pinakamalalakas na teams sa North at South divisions, ang liderato sa kanilang 20-1 win-loss record at 315 points.

Sumandal naman ang Iloilo kina dating World Youth campaigner Karl Victor Ochoa, GM Rogelio Antonio Jr. at NM John Michael Silvederio

Ginulat ni Ochoa si GM Darwin Laylo, 3-0; naungusan ni Antonio si IM Cris Ramayrat, 2-1, at natakasan ni Silvederio si Mark Kevin Labog, 2-1, para sa tatlong panalo ng Iloilo.

Sa kabila ng kabiguan, napanatili ng Iloilo ang liderato sa Southern division na kung saan hawak nito ang 19-2 win-loss record at 289 total points.

Nagtala naman ang PCAP Third Conference champion San Juan Predators ng back-to-back victories laban sa Palawan Queen’s Gambits, 15-6, at Surigao Fianchetto Checkmates, 17.5-3.5, para sa 18-3 slate at 290 total points.

Bahagya lamang pinagpawisan sina GM Oliver Barbosa, WIM Jan Jodilyn Fronda, IM Ricardo de Guzman at Narquingel Reyes bago pataubin ang kanilang mga katunggali mula sa all-female team ng Palawan.

Wagi si Barbosa laban kay playing coach Susan Grace Neri, 3-0.

Gayundin, nanalo sina Fronda laban kay WIM Beverly Mendoza, 3-0; De Guzman laban kay WNM Ludivina Nadera, 3-0; at Reyes lanan kay Marife de la Torre, 3-0.

SIna Barbosa, Fronda, IM Rolando Nolte at Narciso Gumila din ang namuno sa panalo ng San Juan laban sa Surigao.

Nagpasiklab din ang defending champion Laguna Heroes, na naka twin kill laban sa Cagayan de Oro, 12-9, at Camarines Eagles, 12-9, para sa 17-4 mark at 266.5 points sa North.

Nanguna sa Heroes sina GM Rogelio Barcenilla, Jr., FM Austin Jacob Literatus, Michella Concio at IM Angelo Young.

Isa pang double winner ay ang Davao Eagles, na nanalo laban sa Olongapo Rainbow, 18-3, at Mindoro Tamaraws, 13.5-7.5.

Ang Eagles nina IPCA world champion FM Sander Severino, FM Roel Abelgas, Mary Palero-Segarra, NM Alex Lupian at NM Henry Lopez ay may tangang 16-5 record at 277 points.

Ang PCAP, ang una at nag-iisang play-for-pay chess league sa bansa, ay pinangungunahan nina Atty. Paul Elauria as President- Commissioner; Michael Angelo Chua as Chairman; Dr. Ariel Potot as Vice Chairman at Atty. Arnel Batungbakal as Treasurer.

Ang tournament ay may basbas ng Games and Amusements Board (GAB), sa pangunguna ni Chairman Abraham “Baham” Mitra at sinusuportahan din ng National Chess Federation of the

Philippines (NCFP), sa pamumuno ni Chairman/President Prospero “Butch” Pichay.