Calendar

Plakang ‘8’ sa viral na away trapiko mukhang peke
POSIBLE umanong peke ang special protocol plate number 8 na nakakabit sa sport utility vehicle (SUV) na sinakyan ng isang lalaki na nagbanta na babarilin ang kanyang nakaalitan sa kalsada, ayon kay House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco.
Sinabi ni Velasco noong Biyernes na mariing kinokondena ng Kamara de Representantes ang maling paggamit ng special protocol plate No. “8” ng may-ari o driver ng naturang SUV.
“From watching the viral video, it would seem that the protocol plate is fake. It does not seem to have the security features of an original ‘8′ protocol plate. Our law enforcement agencies can easily identify fake plates and confiscate them,” ani Velasco.
Hinimok ni Velasco ang mga awtoridad na agad magsagawa ng imbestigasyon at papanagutin ang indibidwal na nasa video.
“Using a fake special plate number, if that is indeed the case, is illegal and constitutes a punishable offense under existing laws. It is a serious matter that undermines the integrity of official markings and erodes public trust,” ayon pa sa opisyal ng Kamara.
Ipinaliwanag ni Velasco na ang special protocol plate “8” ay eksklusibong ipinapagamit lamang sa mga kasalukuyang miyembro ng Kamara.
“Any attempt to impersonate or abuse this privilege is a direct affront to the institution and the law,” aniya.
Hinimok din ni Velasco ang publiko na maging mapagbantay at i-report ang mga katulad na insidente.
“The House is fully committed to cooperating with law enforcement agencies to ensure that those who misuse government-issued protocol plates face the full force of the law,” dagdag ni Velasco.
Samantala, sinabi ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list na pinapayuhan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang hindi paggamit ng special “8” plates at inaatasan na isauli ito sa Kamara.
Ayon kay Acidre, sa kanyang pagkakaalam, wala pang inilalabas na special “8” plates sa 19th Congress.
“Ako, personally, hindi ho ako gumagamit ng protocol plates, pero may mga kasamahan ho tayo na mas napapadali po ang trabaho nila dahil ho gumagamit sila ng protocol plates,” pahayag ni Acidre sa isang Zoom press conference.
Sinabi ni Acidre na ang mga nakatanggap ng pribilehiyong ito ay dapat gamitin ito sa wastong paraan.
“Marami din hong mga public officials who are entitled to use the protocol plates. Eh gamitin ho natin ito ng tama,” dagdag pa niya.
Nanawagan si Acidre para sa pagpapalakas ng mga regulasyon ukol sa paggamit ng mga protocol plates.
“Kaya ako po ay nananawagan din po sa secretariat ng House at maging po sa ating mga concerned government agency. Kasi naalala ko dati kahit sa Lazada nakakabili ng counterfeit. Sana ay paigtingin pa natin ang mga polisiya at alituntunin sa paggamit at pag-issue po ng mga protocol plate,” ani Acidre.