Ortega La Union Rep. Paolo Ortega V

Planong pagpapatakbo kay PRRD sa 2028 patunay na kritiko ng Marcos admin desperado na

20 Views

KINONDENA ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang umano’y plano na patakbuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa 2028 presidential elections na isa rin umanong patunay na desperado na ang mga kritiko ng administrasyon at isang pagbabalewala sa itinakdang limitasyon ng Konstitusyon.

“This is the most desperate plan I’ve seen. It shows they’ve run out of cards to play,” ayon kay Ortega.

“Aminadong olats na ang kanilang manok at wala na talagang ibang baraha sa dami ng negatibong mga isyung kinakaharap nila. Buking na buking pang hindi sila pro-Pinoy. Pro-China sila,” saad pa ni Ortega.

Ipinaalala ng mambabatas na batay sa 1987 Constitution, mahigpit na ipinagbabawal ang muling pagtakbo sa halalan ng isang pangulo.

“Hindi siya puwedeng tumakbo ulit maliban na lang kung amyendahan ang Konstitusyon. This is clear in our laws,” paliwanag ni Ortega.

Nagbabala si Ortega sa publiko na huwag magpalinlang sa ganitong uri ng manipulasyon sa pulitika na isang malinaw na halimbawa ng “pambubudol.”

“Pambubudol na naman ito at diversionary tactic. They are trying to distract us from the real issues. Ginagawang komedya at maiwan ang lahat,” diin pa nito.

Ikinababahala rin ng mambabatas ang lantarang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagpapaniwala sa mga Pilipino na maaari pang tumakbo si Duterte bilang pangulo sa 2028.

“It’s evil to think that we can just fool the people with misinformation when our Constitution strictly prohibits the reelection of a president,” giit pa ni Ortega.

Hinikayat din niya ang publiko na huwag magpalinlang sa ganitong uri ng mga taktika.

“We must be cautious and not allow ourselves to be deceived by these desperate moves,” ayon pa sa mambabatas.

Ipinunto rin niya na mas dapat bigyang-pansin ang mga mahahalagang suliraning kinakaharap ng bansa kaysa sa mga pampulitika.

“Marami tayong dapat pagtuunan ng pansin na mas mahalaga kaysa sa mga ganitong pakulo,” saad pa ni Ortega.

Ipinaalala ni Ortega sa publiko ang mga prinsipyo ng demokrasya at ang kahalagahan ng pagsunod sa batas.

“Our democracy is founded on laws that should not be bent for anyone’s personal gain,” diin pa nito.

Hinikayat niya ang mga Pilipino na maging mapanuri at unahin ang kapakanan ng bayan kaysa sa personal na ambisyon ng ilan.

“Let us put the country’s interest above all and reject these desperate political moves,” ayon pa kay Ortega.