Tugade

Plastic card kulang, LTO pinayagan lisensyang papel

Jun I Legaspi Apr 21, 2023
279 Views

PINAYAGAN ng Land Transportation Office (LTO) ang paggamit ng papel bilang lisensya sa gitna ng inaasahang kakulangan sa suplay ng plastic card kung saan ito iniimprenta.

Ayon sa LTO, kailangan lamang na kasama ang Official Receipt (OR) o resibo ang papel na lisensya.

Sa ilalim ng Memorandum na ipinalabas ng LTO, inaatasan ang mga regional at district office na sakaling maubos na ang suplay ng plastic card para sa driver’s license ay gagamitin muna ang Official Receipt bilang “Temporary Driver’s License.”

Ang OR ay kailangang may kumpletong detalye, unique na QR code, at may mga screenshot ng harap at likod ng driver’s license card.

Inaatasan din ang mga regional director ng LTO na magkaroon ng re-allocation ng suplay ng plastic cards sa kanilang mga nasasakupan kung kinakailangan.

Batay sa pinakahuling datos ng LTO, nasa 147,522 na lamang ang plastic cards na magagamit sa pag-iimprenta ng driver’s license na posibleng abutin na lang ng katapusan ng kasalukuyang buwan.

“Kaya po agad na rin pong gumawa ng hakbang ang LTO para matugunan ang inaasahang kakapusan na ito. Nakipagpulong na rin ang LTO sa mga law enforcer tulad ng PNP Highway Patrol Group upang maipabatid sa kanila na kung manghuhuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko ay tanggapin na rin kung OR lamang ang ipapakita ng motorista,” ayon kay LTO Chief Tugade.

Mananatili ang panuntunan na ito hangga’t hindi nakakapag-imprenta ng plastic na driver’s license card.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng LTO na matapos ang proseso ng procurement ng plastic cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).

“Sa sandaling magbigay na ng abiso ang DOTr na mayruon nang suplay ng plastic cards, agad na naming pasisimulan ang pag-iimprenta ng driver’s license,” dagdag pa ng LTO Chief.