Marbil1

PNP chief: Maganda kung fair, unbiased ang balita, ‘di Marites

Alfred Dalizon Mar 30, 2025
29 Views

IPINALIWANAG ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil ang malaking epekto ng media at social platforms sa pananaw ng publiko tungkol sa krimen kaya nanawagan ang opisyal para sa tama at balanseng pag-uulat.

Bagama’t bumaba ng 26.76 percent ang crime rate sa buong bansa mula Enero, nananatili pa rin ang pangamba ng publiko sa seguridad, ayon sa opisyal.

Ayon kay Gen. Marbil, isa sa mga dahilan nito ang malawakang pagkalat ng crime-related content sa social media at iba pang platforms.

Sinabi ni Gen. Marbil na may mga pagkakataong nagiging sanhi ng labis na pagkabahala ang paraan ng pag-uulat at pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa krimen.

Inatasan ni Gen. Marbil ang lahat ng police units na palakasin ang ugnayan sa komunidad at ipaalam ang kanilang mga hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.

Hinimok din niya ang mga pulis na ibahagi ang mga positibong balita—tulad ng matagumpay na operasyon at public safety initiatives—kasabay ng mga crime reports upang mabigyan ng mas malinaw at balanseng larawan ang seguridad ng bansa.

Ipinunto rin ni Gen. Marbil na hindi lang sa Pilipinas nangyayari ang ganito dahil pandaigdigang isyu ito.

Aniya, mas nabibigyang pansin ang mga mararahas o kakaibang krimen kaysa sa kabuuang pagpapabuti ng peace and order situation.

Dagdag pa rito, pinalalala ng social media amplification ang ganitong perception dahil ang mga hiwalay na insidente nagiging viral at tila nagiging mas madalas kaysa sa aktwal na bilang.

Ang patuloy na pag-uulat sa parehong krimen sa iba’t-ibang platforms lalo pang nagpapalakas ng pangamba ng publiko, ayon sa opisyal.

Bagama’t kinikilala ni Gen. Marbil ang mahalagang papel ng media sa pagbibigay ng impormasyon, hinimok niya ang mga mamamahayag at online platforms na tiyakin ang tamang context sa crime reporting.

Nanawagan din ang hepe ng pulisya ng mas pinalakas na edukasyon sa media literacy upang matulungan ang publiko na suriin ng mabuti ang mga balita at maiwasan ang misinformation.

Binigyang-diin niya ang halaga ng balanced reporting kung saan parehong naipapakita ang mga insidente ng krimen at ang tagumpay ng law enforcement upang magkaroon ng mas makatotohanang pananaw sa public safety.

“Sa huli, ang public safety hindi lang tungkol sa statistics—ito ay tungkol sa kung ano ang nararamdaman ng ating mga kababayan,” ani Gen. Marbil.